Go kay ex-Calauan mayor Antonio Sanchez: Antayin mo na lang hatol ni San Pedro
SINABI Sen. Bong Go na hindi na dapat mangarap si dating Calauan mayor Antonio Sanchez na makalabas pa ng kulungan.
Sa isang ambush interview sa pagdiriwang ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, sinabi ni Go na may kautusan na si Pangulong Duterte kina Justice Secretary Menardo Guevarra at Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon na hindi dapat palayain si Sanchez.
“May utos na kina DOJ Secretary Guevarra at BuCor chief Faeldon at sinabing pinag-aralan ni Presidente ang batas at nakalagay po sa RA 10952 na excluded po ang heinous crimes,” sabi ni Go.
Nauna nang umani ng pagbatikos ang planong pagpapalaya kay Sanchez.
“Ako rin po mismo sinabi ko na wag ka nang mangarap na lumabas sa kulungan pagdusahan mo ang iyong kasalanan sa loob. Alam mo Mr. Sanchez kapag lumabas ka, iikli pa ang buhay mo. Kung mangangarap kang iikli sintensiya, mas iikli buhay mo, antayin mo n lang na ang hatol ni San Pedro,” ayon pa kay Go.
Nahatulan si Sanchez ng pitong habambuhay na pagkakabilanggo kaugnay ng kasong rape-slay sa estudyante ng University of the Philippines Los Banos na si Eileen Sarmenta at kasong murder kaugnay ng pagpatay sa kasamang estudyante sa UP na si Alan Gomez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.