Namumuro sa PBA Grand Slam | Bandera

Namumuro sa PBA Grand Slam

Melvin Sarangay - August 25, 2019 - 10:00 PM


ISA na ako sa mga natuwa nang malaman ko na nagkampeon ang San Miguel Beermen sa katatapos na 2019 PBA Commissioner’s Cup.

Bakit ako natuwa? Isa kasi ang San Miguel Beer sa mga paborito kong koponan sa Philippine Basketball Association (PBA) magmula nang sundan ko ang panonood ng pro league noong bata pa ako.

Pero naging solid fan lang nga pala ako ng Beermen nang lumipat ang mga paborito kong manlalaro na sina Ricardo ‘Ricky’ Brown (remember the Quick Brown Fox?) at Ramon Fernandez (El Presidente) sa koponan at siyempre isasama ko na rin sina Skywalker Avelino ‘Samboy’ Lim at Hector Calma (The Director) na mga favorite players ko sa SMB.

Ang isa pang dahilan kung bakit ako natuwa sa pagwawagi ng San Miguel Beer sa Commissioner’s Cup ay dahil namumuro na sila sa pagsungkit ng PBA Grand Slam.

Para sa mga hindi nakakaalam o nakakalimot na tungkol sa PBA Grand Slam, ito ay ang pagwawagi ng tatlong sunod na korona o titulo sa loob ng isang season.

Limang koponan pa lamang sa 44 season ng pro league ang nakapagtala ng Grand Slam at ito ay kinabibilangan ng Crispa Redmanizers na dalawang beses itong naisagawa (noong 1976 sa ilalim ni legendary coach Virgilio “Baby” Dalupan at 1983 sa pamumuno ni Tommy Manotoc), San Miguel Beermen (1989 sa pagtitimon ni Norman Black), Alaska Milkmen (1996 sa ilalim ni Tim Cone) at San Mig Super Coffee Mixers (2013-14 season sa pamamahala ni Tim Cone).

Ang San Miguel Beer team na nagwagi ng grand slam noong 1989 ay kinabibilangan ng mga local players na binubuo nina Fernandez, Calma, Lim, Brown, Ato Agustin, Franz Pumaren, Yves Dignadice, Elmer Reyes, Alvin Teng, Bobby Jose, Alfie Almario, Ricardo Cui, Jeffrey Graves at Tonichi Yturri. Ang mga naging import ng Beermen ay sina Michael Phelps at Ennis Whatley.

Kaya naman sa isinagawang victory party ng San Miguel Beermen sa San Miguel Corporation head office noong nakaraang Martes ay hiniling nina San Miguel Beermen team governor Roberto ‘Bobby’ Huang at SMC CEO Ramon S. Ang na kunin ng koponan ang ikatlo at huling titulo ng PBA Season 44.

At nakahanda naman si San Miguel Beer head coach Leo Austria na pangunahan ang kanyang koponan na maisakatuparan ang kanilang misyon ngayong season.

Batid din ni Austria na muli silang dadaan sa pagsubok ngayong darating na Governors’ Cup subalit alam din niya na mas determinado ngayon ang Beermen na maisakatuparan ang misyong mauwi ang ikalawang Grand Slam ng prangkisa.

Matatandaan na muntik nang makuha ng San Miguel Beer ang ikalawang Grand Slam ng prangkisa noong 2016-17 (42nd) Season kung saan nagawa nilang mapanalunan ang Philippine Cup at Commissioner’s Cup bago kinapos sa Governors’ Cup nang gulatin sila ng kanilang sister team at eventual champion Barangay Ginebra Gin Kings sa quarterfinals.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya naman ang kabiguang ito ang isa sa mga motibasyon ng Beermen at ni Austria para mauwi nila ngayong season ang inaasam nilang PBA Grand Slam!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending