Austria: Grand slam hindi magiging madali para sa San Miguel Beermen
NOONG 2017 nagawang masungkit ng San Miguel Beermen ang unang dalawang titulo ng 42nd PBA season subalit nabigo silang makumpleto ang grand slam matapos mabigo sa sister team nitong Barangay Ginebra Gin Kings sa quarterfinals ng ikatlo at huling kumperensiya.
At ngayong season, nahablot ng Beermen ang korona ng Philippine Cup at Commissioner’s Cup para mangailangan na lamang ng isang tiulo tungo sa pagsungkit ng bihirang triple crown.
Kaya naman si SMB head coach Leo Austria at ang San Miguel management ay naniniguro na maisakakatuparan ng Beermen ang kanilang misyon sa pagkakataong ito.
“Sabi sa akin ni boss (SMC president and chief executive officer) Ramon Ang, ‘cut short na muna natin ang bakasyon ha, practice tayo agad’,” sabi ng 41-anyos na si Austria, na mayroon nang walong PBA title bilang head coach.
Sinabi rin ni Austria na noong 2017 binigyan niya ang kanyang mga manlalaro ng sapat na panahon para makapagpahinga matapos nilang magwagi ng dalawang sunod na titulo. Nagresulta naman ito para ang Beermen ay maglaro na nasa “vacation mode” sa mga naunang linggo ng Governors’ Cup.
“‘Yan talaga ang naging problema namin everytime we win the championship,” sabi ni Austria Huwebes sa ginanap na ika-36 edisyon ng “Usapang Sports” forum na hatid ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
“The following conference medyo hindi maganda ang simula namin at kailangan pa naming mag-adjust.”
At dahil nakatutok sila sa grand slam, sinabi ni Austria na ang Beermen ay balik-ensayo agad para maisakatuparan ang kanilang misyon.
“‘Yun na talaga (grand slam) ang target namin ngayon. Pipilitin talaga namin na manalo uli ng isa pang championship para maka-grand slam,” dagdag pa ni Austria. “Wala nang dahilan para hindi mangarap nitong hinihiling sa atin ng karamihan, especially fans ng San Miguel Beer pati na ng management, kundi ang grand slam. Malaking karangalan ito para sa aming lahat.”
Sa kasaysayan ng PBA, apat na coach pa lang ang nakapagtala ng grand slam at ito ay sina Baby Dalupan sa Crispa Redmanizers noong 1976, Tommy Manotoc para rin sa Crispa noong 1983, Norman Black sa San Miguel Beer noong 1989 at Tim Cone sa Alaska Milkmen noongn 1996 at San Mig Coffee Mixers noong 2013.
“But it will not be easy. It will require a lot of hard work going to the next championship simply because every team in PBA is trying to beat us and to block us in getting this historical event in our team,” ani Austria sa lingguhang sports forum na suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.
“This will be our legacy,” sabi pa ni Austria, na naging head coach ng San Miguel Beer simula 2014.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.