Pagkamatay ng mga baboy naitala; African swine fever nakapasok na sa bansa?
IPINAG-UTOS ng Department of Agriculture (DA) ang maramihang pagpatay sa mga baboy sa harap naman ng posibilidad nang pagpasok ng African swine fever (ASF) virus sa bansa.
Sa isang press conference, hindi naman itinanggi o kinumpirma ni Agriculture Secretary William Dar ang ulat na apektado ng ASF virus ang isang babuyan sa Rizal, bagamat sinabing nakatanggap ang ahensiya ng incident report noong Agosta 16 kaugnay ng sabay-sabay na pagkamatay ng mga baboy.
Sinabi naman ng isang industry source na apektado ng ASF ang Barangay San Isidro, Rizal, kung saan nagsagawa na ng quarantine ang mga opisyal.
Sinabi ni Bureau of Animal Industry (BAI) veterinarian Dr. Joy Lagayan, na miyembro rin ng ASF task force, na mula sa tatlo hanggang limang porsiyento ang karaniwang mortality rate sa lugar, tumaas ito sa 20 porsiyento.
Idinagdag ni Dar na inatasan na niya ang BAI na magsagawa ng confirmatory laboratory tests, kasama na ang pagpapadala ng mga blood samples para malaman ang dahilan ng pagkamatay ng mga baboy.
Lalabas ang resulta ng pagsusuri sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo, bagamat sinabi ni Dar na aabot ng tatlong buwan ang confirmatory tests.
Matapos ang pangyayari, isinailalim na ng BAI ang apektadong lugar sa “quarantine zone,” na kung saan nangangahulugan ng maramihang pagpatay sa mga baboy na nasa loob ng isang kilometro at pagsasagawa ng surveillance sa mga lugar na nasa loob ng 10 kilometro.
“We have further upgraded our monitoring and vigilance, including the imposition of stricter quarantine measures all over the country’s ports of entry, airports, and seaports,” sabi ni Dar.
“In all, we will strictly and vigorously implement all existing laws, rules, and regulations in protecting the country’s animal industry,” ayon pa kay Dar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.