HINDI nagustuhan ng marami ang mistulang pagkabahag umano ng buntot ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa pagpapatupad ng polisiya nito kaugnay ng UV Express.
Ang UV Express ay ang point-to-point na pagbiyahe ng mga van o AUV. Ginawa ang linya o ruta para sa mga pasahero na diretsohan. Ang isang pasahero ay sasakay sa terminal at bababa sa kabilang terminal. Walang bababa at magsasakay sa gitna ng biyahe.
Tapos pinayagan ng LTFRB ang mga UV Express na magbaba dalawang kilometro bago ang kanilang terminal para nga naman hindi na maglakad o sumakay pabalik ang mga pasahero.
Kaya lang inabuso ang pagbabagong ito. Bumibiyahe na parang pampasaherong jeepney ang mga UV Express. Nagbaba at nagsasakay sila kung saan-saan.
Nakadagdag tuloy sila sa pagbigat ng trapik.
At nang sabihin ng LTFRB na balik na ang mga UV Express sa point-to-point na pamamasada, umalma ang mga UV Express driver at operator.
Hindi ba alam ng mga UV Express driver at operator kung ano ang nakasulat sa kanilang pinirmahang prangkisa?
Sa General Luna st., maraming UV Express ang bumibiyahe ng hanggang San Mateo lang sa halip na maghatid hanggang sa Montalban, Rizal.
Malinaw naman ang nakasulat sa kanilang mga sasakyan na ang biyahe nila ay Cubao-Rodriguez at Sta Lucia Mall-Rodriguez. Hindi lang nila sinusunod kaya lugi ang mga pasahero. Meron kasing mga pasahero na napipilitang sumakay ng mga UV Express na hanggang San Mateo lang at sasakay na lang ng jeep pa-Montalban makauwi lang.
Ang pinagtataka naman ng ilang pasahero, bakit nabahag ang buntot ng LTFRB na ipatupad ang nakasaad sa prangkisa ng mga UV Express?
Pero kung ang mga pasahero na bumababa sa gitna ang tatanungin mas OK na ang ganito.
Mas OK daw kung maglalabas na lang ng mga dagdag na prangkisa ang LTFRB para sa mga mas maikli ang biyahe. Point-to-point din pero maikli lang.
O kaya maglagay ng mga modernized jeepney na airconditioned para sa mga pasahero na maikli ang biyahe pero ayaw mainitan at hayaan ang mga UV Express na bumiyahe ng point-to-point.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.