Ana Ramsey hindi lang basta pamangkin ni Jaya: May ibubuga siya!
ISANG bagong pinto ang magbubukas para sa talented at napakaseksing DJ na si Ana Ramsey.
Si Ana ay pamangkin ng Soul Diva na si Jaya at apo ng namayapang Queen of Rock and Roll na si Elizabeth Ramsey.
Yes, recording artist na si rin si Ana at kamakailan nga ay ni-launch na ang kanyang awiting “Tahan” mula sa Star POP. Ang nasabing kanta ay tumatalakay sa paghihirap ng isang nalilitong puso.
Ayon sa Kapamilya singer, kinilabutan siya noong unang beses na pinakinggan niya ang “Tahan”, “Kasi may tatlong songs na ipinresent sa akin tapos nu’ng time na pinakinggan ko ito, may kilabot factor talaga.
“May recall ako agad du’n sa chorus, so sabi ko ang ganda-ganda, na-excite akong mag-record agad,” kwento ni Ana sa ginanap na paglulunsad ng “Tahan” music video kung saan nakatambal niya ang model-actor na si Kirst Viray.
Pero alam n’yo ba na isa ring NBSB (no boyfriend since birth) ang dalaga kaya mas humanga pa sa kanya ang members ng press na present sa kanyang presscon dahil kahit wala siyang pinaghuhugutang experience ay naitawid niya nang bonggang-bongga ang emosyon ng kanta pati na ang akting niya sa music video.
Bukod sa pagiging DJ, nabiyayaan din ng talento sa pag-awit, pagsusulat ng kanta at pagho-host si Ana. Hindi na siya bago sa larangan ng pag-awit dahil noong 2010, sumali na rin siya sa Star Power: Sharon’s Search for the Next Female Pop Superstar kung saan naging champion si Angeline Quinto.
Noong 2014 naman ay nanalo ng gold medal ang dalaga sa 2014 EuroPop Festival na ginanap sa Germany. In fact, sa launching ng kanyang music video para sa “Tahan” todo palakpak ang press sa kanyang winning performance.
At tulad nga nina Elizabeth Ramsey at Jaya, mayroon ding kakaibang tunog si Ana na nararapat magkaroon ng mas maraming tagapakinig. Pero sabi ni Ana, siyempre mas gusto pa rin niyang magkaroon ng sariling tatak sa music industry, iba pa rin daw ang may sariling identity para sa longevity ng isang artist.
Sa kabila ng pressure ng pagiging isang Ramsey,’l hindi ito alintana ni Ana. Aniya, “Siyempre tumatak sila dito sa industriya, maganda yung mga ginawa nila at gusto ko pong sundan yung mga yapak nila pagdating sa pag-perform, sa pagkanta at sa pag-inspire sa mga tao gamit ang musika.”
Panoorin ang official music video ng “Tahan” sa MYX at sa YouTube channel ng Star Music. Pakinggan din ito sa Spotify, Apple Music at iba pang digital stores.
Samantala, sa ganda at kaseksihan ni Ana, hindi imposibleng pasukin din niya ang pag-arte sa TV at pelikula. Inamin niya sa presscon na kung may chance, type rin niya ang umakting.
“Opo, gusto ko ring mag-try ng acting kung mabibigyan ng pagkakataon kahit po mag-workshop ako, mag-training and all!” aniya.
Gusto raw niyang makatrabaho si Piolo Pascual dahil bilib na bilib siya sa galing nito bilang aktor. Pero nang tanungin namin kung sino kina John Lloyd Cruz at Gerald Anderson ang pipiliin niyang makatambal.
Napaisip muna siya sabay birong, “Ayaw kong mag-join sa club!” na sinundan ng tawanan mula sa mga um-attend sa kanyang presscon. “Pareho naman po silang mahusay, e. Pero kung isa lang talaga ang pipiliin, si John Lloyd na lang po!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.