PNP: Studes tinuturuang magprotesta ng leftist
IBINUNYAG ni Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde na hinihikayat ng guro sa isang state university ang kanyang mga estudyante na lumahok sa mga kilos protesta.
Hindi naman pinangalanan ni Albayalde ang propesor sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinangunahan ni Sen. Ronald dela Rosa.
Inaalam sa pagdinig kung paano nahihikayat ang mga batang mag-aaral na sumapi sa mga leftist groups matapos na magreklamo ang ilang magulang.
Ani Albayalde na noong siya pa ang hepe ng National Capital Region Police Office, nakausap niya ang mga mag-aaral ng sumama sa rally kontra paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Napag-alaman niya mula sa mga estudyante, na galing sa isang state university, na ni-require sila ang kanilang guro na lumahok sa rally.
Inamin ni Albayalde na nababahala siya dahil hindi mula sa labas kundi sa loob mismo ng unibersidad nagmumula ang panghihikayat sa mga mag-aaral.
Kasabay nito, inamin ang Armed Force of the Philippines na nahihirapan sila na pigilan ang mga mag-aaral na umiwas sa ginagawang panghihikayat ng mga makakaliwang grupo na sumapi sa mga kilos protesta laban sa gobyerno.
Ayon kay Major Gen. Antonio Parlade Jr., mayroong kautusan ang Department of Education na pinagbabawalan ang mga militar na makipag-engage sa mga estudyante sa loob ng paaralan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.