Ryle sa member ng Hashtag: Dati galit na galit ako, pero OK na po
INAMIN ni Hashtag Ryle Santiago na may isa silang kamiyembro na hindi niya kasundo dahil sa sablay na ginawa nito sa kanya.
Ayaw nang banggitin pa ng Kapamilya young actor ang pangalan nito pero aniya hanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos ang kanilang issue. Napapanood pa rin ang Hashtags sa It’s Showtime at kapag magkakasama sila sa stage ay hindi mahahalatang may gap pala silang dalawa.
Nakachikahan ng ilang members ng entertainment press si Ryle sa ginanap na National Sisters Day nitong weekend sa Starmall Alabang organized by Megasoft’s Sisters Sanitary Napkins & Pantyliners.
Ayon kay Ryle, open naman siyang makipag-usap sa nasabing kamiyembro para once and for all ay maayos na ang anumang problema, “Actually, dati, galit na galit talaga ako. Pero ngayon, okay na ako.
Hindi naman kasi ako yung taong nagtatanim talaga ng galit.”
Professional din naman daw sila dahil hindi nila hinahayaang makaapekto ang kanilang problema sa kanilang trabaho, “Kasi, pag alam namin na nasa entablado na kami, kailangang maayos kami. Kasi binabayaran kami for a service, which is to perform and to deliver. Yun naman ang iniisip namin.
“Kahit magkatabi pa kami sa blockings, may kailangan na partnerings, okay lang sa amin yun. Kasi alam namin na, at the end of the day, magkakagrupo kami. And kahit magkaaway kami, magkapamilya pa rin kami.
“I think nag-lay low na yung init namin sa isa’t isa. So, if ever na ready na kami na mag-usap, magiging okay na rin,” paliwanag pa ng anak ng magaling na character actress na si Sherilyn Reyes.
Pinilit ng press na pangalanan na niya ang nasabing Hashtag member pero tumanggi ang binata. Nang tanungin kung babae ba ang dahilan ng kanilang away, sagot ni Ryle, “A, hindi ko lang po alam,” kasabay ng makahulugang ngiti.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.