Hot na hot: OOTD ni Nadine sa premiere night agaw-eksena
AGAW-EKSENA ang OOTD ni Nadine Lustre nang rumampa sa red carpet premiere ng latest movie niyang “Indak” na ginanap sa SM Megamall cinema 1 the other night.
Nakaitim lang na bra ang award-winning actress na tinernuhan ng black blazer kung saan kitang-kita ang kanyang kaseksihan at kakinisan. Kasama niyang dumating sa premiere night ang boyfriend niyang si James Reid.
Pero siyempre, ibinigay ng hunk actor ang moment kay Nadine at sa leading man nito sa movie na si Sam Concepcion na idinirek ni Paul Basinillo.
Napanood na namin ang “Indak” sa ginanap na premiere night nitong Lunes at in fairness, muling pinatunayan nina Nadine at Sam ang pagiging “halimaw” sa dance floor.
Mas lalo pang naging astig ang pagsasayaw ng dalawang bida ng “Indak” dahil sa magagaling na members ng G-Force na bigay-todo rin sa kanilang mga eksena. Sabi nga ng ilang nakausap namin after ng screening, para na rin silang nanonood ng isang Hollywood dance-musical tulad ng sikat na sikat na “Step Up” ng Hollywood.
In fairness, napakaganda at napakaseksi ni Nadine sa movie lalo na ‘yung ginawa niyang eksena sa isang bangka habang nasa gitna ng karagatan na nakunan ng mga turista at nag-viral. Ito ang naging daan para makilala siya ng karakter ni Sam at aluking maging bahagi ng kanilang grupo – ang Indak Pinas.
Hindi naging madali para kay Nadine ang umalis sa kanilang isla (Bantayan Island sa Cebu) dahil nandoon nga ang kanyang buhay, at hangga’t maaari ay ayaw niyang iwan ang may sakit na ina (Yayo Aguila).
Pero mas pinili nga niya ang tuparin ang kanyang pangarap na maging isang professional dancer at siyempre, gusto niya ring makasama ang unang lalaking (Sam) nagbigay ng importansiya sa kanya na nangakong sasamahan siya sa pagtupad ng kanyang ultimate dream.
And yes, super nag-enjoy kami sa mga eksena nila sa South Korea kung saan nga lumaban ang Indak Pinas sa isang international dance competition. Pero hindi ito naging madali para sa grupo dahil dumaan din sila sa matitinding pagsubok, kabilang na riyan ang pag-raise ng funds na gagamitin nila sa pagpunta sa Korea.
May nagawa kasing kapalpakan ang karakter ni Nadine na muntik nang maging sanhi ng pagkawasak ng grupo pero kung paano sila bumangon, yan ang siguradong ikatutuwa n’yo. Talagang palakpakan ang manonood nang mabuo na nila ang halagang kailangan nila sa competition.
Bongga rin ang production ng dance competition, para ka talagang nanonood sa Korea at tiyak na kakabahan din kayo habang ina-announce na kung sino ang magiging champion.
May ginawa rin si Nadine sa nasabing eksena na sinuklian ng malakas na hiyawan at palakpakan mula sa audience.
Sandali naming nakalimutan ang tambalang JaDine dahil malakas din ang chamistry sa bid screen nina Nadine at Sam. Nagtitilian nga ang fans kapag may pakilig scene ang dalawa. At siguradong kahit si James ay natuwa sa kanyang napanood.
Magkahalong saya ay lungkot ang ending ng “Indak” na katanggap-tanggap naman dahil mas naging makatotohanan ang kuwento. Inspiring, nakakakilig, nakaka-tense at nakaka-in love ang “Indak” kaya siguradong sulit ang ibabayad n’yo sa sinehan.
Showing na ngayon ang pelikula sa mga sinehan nationwide under Viva Films. Kasama rin sa movie sina Julian Trono, Vito Marquez, Race Matias, Mayton Eugenio, Keiko Nakajima, Zarah Tolentino, Rose Van Ginkel, Nathalie Alvarez, Nicole Omillo, Aubrey Caraan, Kedebon Colim at Christian Morones.
Speaking of Nadine, confirmed na ang pagiging hurado niya sa upcoming Kapamilya reality competition na Your Moment kung saan makakasama niya si Boy Abunda.
“I’m super excited. I really love working with Tito Boy,” ang chika ng dalaga nang makachikahan ng press sa “Indak” premiere night.
Aniya, pang-world class talent ang mga mapapanood sa Your Moment, “Actually, hindi lang po siya para sa mga Pilipino para sa buong mundo siya. Pero tayo kasi, napaka-talented nating lahat and it’s nice na mayroong Your Moment para maipapakita ng mga grupong ito ang kanilang mga talento.”
“Ako, I’m just really honest kapag nagdya-judge and with our show, parang it’s more of entertainment.
So kung ano ‘yung nararamdaman ko, sinasabi ko lang naman,” sey pa ni Nadine sa pagiging judge.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.