Pole vaulter EJ Obiena kinilala bilang TOPS Athlete of the Month
MULING naghatid ng karangalan sa Pilipinas si pole vault champion Ernest John Obiena matapos ang matagumpay na kampanya sa mga international competition sa nakalipas na apat na buwan.
Matapos na maghari sa pole vault competition sa Asian Athletics Championships sa Doha, Qatar noong Abril, nakagawa ng kasaysayan si Obiena matapos magwagi ng gintong medalya at magtala ng panibagong Philippine pole vault record na 5.76 meters na marka sa 30th Summer Universiade sa Napoli, Italy noong Hulyo 12.
Ito ang ikalawang ginto ng Pilipinas sa Universiade, ang itinuturing na ‘Olympics’ ng student-athletes, at una magmula ng mauwi ni Grandmaster Wesley So ang chess gold sa 2013 Kazan Universiade.
Dahil sa makasaysayan at kahangahangang ginawa ni Obiena, napili siya ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) bilang “Athlete of the Month” para sa buwan ng Hulyo.
“Obiena’s historic gold medal in pole vault in the Napoli Universiade will stand as one of the greatest individual achievements in sports by the Filipino athletes,” sabi ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight.
“Before Obiena, only GM Wesley So managed to capture a gold medal for the country in the 60-year history of the Universiade,” dagdag ni Andaya, na personal na kinober ang kampanya ni So sa Kazan noong 2013.
Tinalo ni Obiena para sa buwanang parangal na ipinagkakaloob ng TOPS sina multi-division world boxing champion Manny Pacquiao, na nagwagi sa pamamagitan ng split decision kay American fighter Keith Thurman noong Hulyo 20, at swimming sensation Jasmin Mikaela Mojdeh, na nagtala ng dalawang junior record sa ASEAN Schools Games sa Indonesia noong Hulyo 25.
Ang tatlong kandidato sa parangal na sina Pacquiao (Enero), Mojdeh (Pebrero) at Obiena (Abril) ay mga dati na ring nanalo ng nasabing parangal.
Ang TOPS ay binubuo ng mga editor, reporter at photographer mula sa mga pangunahing tabloid newspaper sa bansa.
Ang TOPS ay siyang naghahatid ng “Usapang Sports”, na isang lingguhang forum na isinasagawa sa National Press Club at suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, Philippine Amusement and Gaming Corporation, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drink.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.