PAKAINGATANG makipagtipan. Patibong ito. Suriin nang walang pagkunkuwari ang sariling kahinaan. Iyan ang mga Pagninilay sa Ebanghelyo (Ex 33:7-11, 34:5, 9-28; Sal 103:6-13; Mt 13:36-43) sa Martes sa ika-17 linggo ng taon, sa Paggunita kay San Pedro Crisologo, obispo’t pantas ng simbahan.
***
Saan man, ang bawat anomalya’t pandaraya ay patibong. Sa Una’t Bagong Tipan, nakalitanya na iyan (sa Exodo pa man din, pagkatapos ng unang aklat ng Genesis). Kaya kahapon, ang kahinaan ay pinalalakas ng santambak na pera, kahit na ito’y galing sa masama at mula sa ugat ng demonyo. Sinong mag-aakalang mga dating militar (ang mga ipinagpipitagan ni Duterte) din ang idadawit sa anomalyang PCSO at pananggalang na naman ang mahihirap para muling buhayin ang pandarambong?
***
Tanong 2019 at 1996: may dayaan ba sa bola ng lotto? Noong 1996, nakadalawang banner headline ang Bandera nang siyasatin nito ang maaaring pandaraya sa bola ng lotto (hanggang sa ipinatigil ang ikatlong serye, nang tawagan ng opisyal ng gobyerno ang opisyal ng pahayagan para utusan ang editorial na ihinto na; kahit bitin). Chemist na dating isko(lar) ng bayan ang source ng Bandera na nagpapaliwanag na posibleng umakyat ang pingpong ball mula sa ibaba na itinutulak ng mainit na hangin sa tambiolo hanggang ito’y unang makapasok sa tubo at mahulog bilang napiling numero.
***
Bago ilagay sa attache case ang (napiling) bola, na ihuhulog sa tambiolo, ito’y bahagyang bubugahan ng kemikal, na kapag nainitan ng hangin sa tambiolo, ay gagaan at unang makapapasok sa tubo hanggang magpadausdos at mapiling numero, ayon sa teyorya ng chemist. Pero, nilinaw ng chemist na hindi iyon nagaganap sa Draw Court sa Erod, QC. Anang chemist, gumawa siya ng model nang makuha ang bigat ng bawat bola, saka kinuwenta ang bahagyang wisik ng kemikal, na hindi makapagpapabigat sa bola kahit na 0.0001. Magaan ang bola at ito nga ang sumiksik hanggang sa mauna sa tubo.
***
Pero, hindi ito naganap ngayon; ang pandaraya sa bolahan. Ang pandaraya at pandarambong ay naganap sa ingreso ng kita sa STL. Lumobo na sa 85, simula 18, ang STL operators kahapon at merong dating mga kawal. Mga dating kawal din ang inilagay sa Aduana, pero mas lalong dumating ang maraming shabu, at ilan sa kanila ay ibinagsak sa Bacoor, Cavite sa kabila na kontrolado, matagal na, ng angkan ng Revilla ang lowland city.
***
Sa kuwentas-klaras ng Commission on Audit, mahigit P8 bilyon dibidendo ang di pa ibinabayad ng PCSO sa gobyerno. Kung bakit umabot ng mahigit P8 bilyon ito, ayon sa insider, sa santambak na pera na binibilang sa PCSO araw-araw, di na mahahalata kung makalimutan, o pitikin, ang P8 bilyon. Kaya naman daw makalap ang P8 bilyon sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo at nabulkasil na ang butas.
***
Pakatandaan na ang pera na ibinibigay sa mahihirap na may sakit ay hindi galing sa PCSO kundi sa taya ng mahihirap na nangarap na maging milyonaryo, dangan nga lamang at di sila pinalad; at pinagnakawan pa!
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Fatima 2, San Jose del Monte City, Bulacan): Dalawa, sa ngayon, ang maintenance ng senior citizens: gamot at luho. Maaaring isa sa kanila ang mahal, o pareho lang ang presyo. Kung nadaragdagan na ang sakit, tumataas ang pondo para sa gamot. Kung luho, sky is the limit. Bakit nga naman may matatanda na naniniwalang may kaya pa rin sila gayung hindi naman Gokongwei ang apelyido nila?
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Fatima 5, San Jose del Monte City, Bulacan): Kaya bang ilista ang mga bagay-bagabag sa buhay? Totoo ba ang mga ililista? Marami ang lalong nabagabag nang matapos ang paglilista. Marami ba ang bagabag na di na kayang lutasin at iilan na lamang ang may solusyon? Kailangan ng lakas-divino para sa mga bagabag na maaari pang baguhin.
***
PANALANGIN: Igawad Mo ang Iyong biyaya at papanibaguhin Mo ang mga taong nakapagdulot ng sakit at pighati sa taumbayan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Bong Go for president; Isko Moreno for senator. Iyan ang unang lineup ng Davaowenos para sa 2022 elections. …5321, Poblacion 37-D, Davao City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.