SSS pension maayos na natatanggap ng pensyonado | Bandera

SSS pension maayos na natatanggap ng pensyonado

Liza Soriano - July 31, 2019 - 12:15 AM

MAAYOS na natatanggap ng mga pensyonado ang kanilang buwanang pen-syon mula sa Social Security System (SSS).

Mahigit P62.19 bilyong pensyon ang naibayad sa unang limang buwan ng taon.

Ito ay mas mataas ng P4.84 bilyon kumpara noong nakaraang taon.
Tumaas ang naibigay na pensyon dahil tumaas din ang bilang ng mga pensyonado mula 2.4 milyon noong Mayo 2018 ito ay naging 2.5 milyon nitong Mayo 2019.

Mayroon tatlong uri ng pensyon na ibinibigay ng SSS. Ito ay ang pensyon para sa pagreretiro, pen-syon para sa pagkamatay, at pensyon para sa pagkabalda.

Noong Mayo 2019, ang ahensya ay mayroon ng halos 1.5 milyong retiree-pensioners, mahigit 940,000 survivorship-pensioners at 850,000 disability pensioners.

Ang retiree-pensioners ay mga miyembro na may edad 60 taong gulang pataas na may hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng kanilang pag-reretiro habang ang survivorship-pensioners naman ay ang mga pangunahing benepisyaryo ng namatay na miyembro na nakapagbayad ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagkamatay.

Ang mga disability pensioners, sa kabilang banda, ay ang mga miyembro na hindi na makapaghanapbuhay bunga ng pansamantala o permanenteng kapansanan at nakapagbayad ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagkabalda.

Aabot sa 78.6 porsyento ng kabuuang benepisyo na ibinayad sa mga miyembro mula Enero hanggang Marso ngayong taon ay ginugol para sa pagbabayad ng pensyon ng mga pensyonado.

Kinukwenta ang pensyon batay sa monthly salary credit o ang antas ng suweldo ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan na aabot sa maximum na P20,000 kada buwan, at sa credited years of service o bilang ng taon na nakapaghulog ng kontribusyon sa SSS. Ang miyembro na may mas mataas na monthly salary credit at mas maraming taon na pagbabayad ay nakatatanggap ng mas mataas ang pensyon.

Sa kasalukuyan, ang pinakamataas na pensyon na ibinibigay ng SSS sa isang pensyonado ay nagkakahalga ng P18,945 habang ang pinakamababang pensyon naman ay nagkakahalga ng P2,000. Kasama na rito ang karagdagang benepisyo na P1,000.

Ayon sa SSS, patuloy nitong pinagaganda ang serbisyo, bagamat kabaligtaran ito sa sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang nakalipas na State of the Nation Address.

Noong Setyembre, dahil sa panawagan ng mga retiree pensioners, inilunsad ng SSS ang Pension Loan Program (PLP). Naka-disenyo ang programang ito upang magbigay ng tulong-pinansyal sa mga retiree pensioners sa pamamagitan ng pagbibigay ng pautang na may mababang interes.

Nakapagpautang na ang ahensya, sa pamamagitan ng PLP, ng mahigit na P1.16 bilyon sa 48,505 pensioner-borrowers.

Sa ilalim ng PLP, maaaring mag-aplay ang mga kwalipikadong miyembro sa pautang na maaaring umabot ang halaga na katumbas ng anim na buwang pensyon kasama ang karagdagang P1,000 benepisyo subalit hindi lalagpas sa P32,000.

Upang maging kwalipikado, kinakailangan na ang borrower o mangungutang ay isang retiree-pensioner at hindi hihigit sa 80 taong gulang pagdating ng huling buwan ng termino ng utang. Kinakailangan din na walang kahit anumang ikinakaltas sa kanyang buwanang pensyon, walang kasalukuyang advance pension mula sa SSS Calamity Package, at dapat nakatanggap na ng kahit isang buwang pensyon na nakatala na sa sistema ng SSS.

Mayroong 10 porsyentong interes kada taon ang pension loan na kinakalkula sa bumababang balanse na magiging parte ng buwanang hulog.

Idedeposito ang halaga ng inutang sa cash card ng pensioner-borrower sa loob ng limang araw mula sa araw na naaprubahan ang loan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Magsisimula ang pagbabayad sa nasabing utang pagkatapos ng dalawang buwan matapos na maaprubahan ang loan. Maaari itong bayaran sa loob ng tatlo, anim, o labing dalawang buwan, depende sa halaga ng utang.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending