AABOT sa P5.5 milyong halaga ng iligal na droga, kabilang ang marijuana, ang nakumpiska sa Ninoy Aquino International Airport (Naia), ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Sa kalatas, sinabi ng BOC na nakumpiska ng mga miyembro ng BOC-Naia at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kabuuang 1,490 piraso ng ecstasy, 3,320 piraso ng valium at 1,850 gramo ng marijuana.
Idineklara ang mga ecstasy na mula sa Germany, bilang regalo. Samantala, idineklara naman ang mga marijuana, na galing Amerika bilang tortilla chips.
Papunta sana ang dalawang parcel sa magkahiwalay na consignee, sa Cavite at San Juan City.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang may-ari ng marijuana, bagamat hindi pinangalanan.
Papunta naman ang mga valium sa 36 consignee sa walong bansa (US, Australia, United Arab Emirates, Germany, Saudi Arabia, France, Sweden, Spain at UK) at ipinadala ng apat na iba’t ibang shipper mula sa Parañaque City at Bulacan.
Samantala, nahuli sa buy bust operation ang tatlong katao kabilang ang isang babae na nakuhanan umano ng P130,000 halaga ng shabu sa Quezon City kamakalawa.
Kinilala ng Masambong Police ang mga suspek na sina Teng Akmad, 43, Violeta Grace Jandag, 25 at Erwin Marticio, 34, mga residente ng Brgy. Bagong Pag-asa.
Nasakote ang tatlo alas-4:05 ng hapon sa Acacia st., Sitio San Roque, Brgy. Pag-asa.
Narekober sa kanila ang siyam na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P130,000.
Nabatid na ang tatlo ay nasa drug watch list ng Directorate for Intelligence ng Quezon City Police District. —Leifbilly Begas, Inquirer.net
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.