Tumawa, umiyak ng 46x sa ‘Family History’ nina Dawn at Michael V
TUMAWA, umiyak, tumawa uli at umiyak uli. Then laugh and cry again!
‘Yan ang parang baliw na emosyon na na-experience namin habang pinanonood ang pelikulang “Family History” ng GMA Pictures at Mic Test Entertainment na idinirek, ipinrodyus, isinulat at pinagbidahan ni Michael V.
Ginanap ang premiere night nito sa SM Megamall cinema 3 last Tuesday na dinaluhan ng buong cast at iba pang celebrities na sumuporta sa unang directorial job ni Michael V.
In fairness naman, hindi kami binigo ni Bitoy sa kauna-unahang pelikulang idinirek niya. Tulad ng komento ng iba pang nakapanood nito sa ginanap na premiere night nitong nakaraang Martes, hindi lang kayo patatawanin at paiiyakin ng “Family History”, marami ring values na mapupulot ang bawat miyembro ng pamilya sa kuwento nito.
Hindi namin ine-expect na ganu’n pala ang magiging karakter ni Dawn sa movie, siya ang asawa ni Bitoy na magkakaroon ng stage 4 cancer. Ito yata ang unang pagkakataon na napanood namin si Dawn sa ganu’ng klaseng karakter at kahit may sakit siya at kalbo na halos kalahati ng pelikula, ang ganda-ganda pa rin niya! Kaloka!
Sabi nga namin, siguradong mano-nominate at posible pang manalo ng best actress si Dawn dahil sa akting na ipinakita niya sa pelikula. Imagine, habang natatawa ka sa mga kadramahan ni Bitoy ay iiyak ka rin sa pinagdaraanan ni Dawn.
Sinisiguro rin namin sa inyo na ibang-ibang Bitoy ang mapapanood sa “Family History” kesa sa Michael V na tinututukan natin sa gag show na Bubble Gang at sitcom na Pepito Manaloto.
Mahirap ikuwento ang mga eksena sa “FH”, kailangan talagang panoorin n’yo para ma-appreciate n’yo ito. Tama ang sinabi ni Bitoy na mahirap ilagay sa trailer ang magagandang eksena sa movie at kaya pala hindi rin nila mai-share sa presscon ang itatakbo ng kuwento dahil kailangan talagang manood kayo para kayo mismo ang maka-experience ng tinatawag nilang “Bitoy magic.”
Pero ang isa talaga sa tumatak sa amin, at sa iba pang members ng entertainment press na nasa premiere night ay ang number na 46 na may konek sa pakikipag-sex. Grabe ‘yun dahil talagang nasuntok kami nang bonggang-bongga ng ating kaibigan at BANDERA columnist na si Ambet Nabus dahil sa sobrang tawa niya! Ha-hahaha!
Nagkakaisa ang audience sa pagsasabing magaling talaga si Bitoy, hindi lang bilang artista kundi pati na rin sa pagdidirek kaya umaasa ang buong produksyon ng “Family History” na magugustuhan ito ng Pinoy moviegoers. Sabi pa nga ng isang kasamahan natin sa panulat, pwedeng-pwede raw itong entry para sa Metro Manila Film Festival.
Pagkatapos ng premiere night, masayang-masaya si Bitoy at ang iba pang involved sa movie dahil pinalakpakan ito ng audience.
“Tuwang-tuwa rin ako, yung mga cue na hinahanap namin kung kailan matatawa ang mga tao, kailan maiiyak, nangyari naman. Ako, sinabi ko naman na simula pa lang ito ng journey.
“If we don’t get the support, okay lang, gagawa pa rin tayo ng iba. Pero sa nakikita ko, maganda ang reaction, positive naman. Ito ang magiging pondo ko sa paggawa muli,” aniya pa.
Dagdag pa niya sa kuwento ng “FH”, “Hango sa totoong buhay pero pinagsama-samang buhay ng ibang writers, mga kaibigan ko. Minsan, kahit sa magulang, humuhugot ako, e.”
Kuwento naman ni Dawn sa panayam ng media, “Tonight is the first time I watched it. And it’s much more than I expected. When I was reading the script, I was already laughing. But here, I was laughing and crying. Hampas ako nang hampas sa kanya (Bitoy)!”
Winner din ang mga eksena nina Dingdong Dantes, Eugene Domingo at John Estrada sa movie, idagdag pa ang batuhan ng punchlines nina Michael V at Paolo Contis. Tuwang-tuwa rin ang audience sa role ni Nonie Buencamino bilang beking boss nina Bitoy at kay Kakai Bautista as Dawn’s atribida but loving BFF.
At siyempre, nandiyan ang mgab pakilig nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali na nagpakitang-gilas din sa pagdadrama.
Showing na ngayon ang “Family History” sa mga sinehan kaya kung gusto n’yong tumawa, umiyak, tumawa uli at umiyak uli, at tumawa again, watch na!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.