John Roa umaming inatake ng anxiety disorder: Feeling ko minsan mamamatay na talaga ako…
DEPRESSION is real. Yan ang napatunayan ng singer-rapper at dating miyembro ng Ex Battalion na si John Roa.
Inamin ni John sa presscon ng kanyang five-track EP (extended play) record titled “AMGO” na na-diagnose siya ng “anxiety disorder” na hindi raw niya pinaniniwalaan noon.
Kuwento ng binata, noong una raw ay inakala niyang may problema siya sa puso dahil may lahi talaga ang pamilya nila. Ilang araw daw na kinakabahan siya nang walang dahilan at mabilis ang tibok ng kanyang puso.
May pagkakataon pa raw na habang nagda-drive siya ay bigla na lang uli niyang mararamdaman ang matinding nerbiyos. At sa ikaapat ngang pagkakataon na naramdaman niya ito ay nagpatingin na siya sa doktor.
“Pero wala naman daw akong problema sa puso after ng mga medical test na ginawa sa akin. So, yung nga ang diagnosis, may anxiety disorder ako kaya nagkakaroon ako ng panic attack.
Nagsimula raw ang ganitong pakiramdam niya noong mahiwalay siya sa dating grupo niyang Ex Batallion.
Iniisip niya kung ano na ang magiging next move niya as an artist without knowing na inaatake na pala siya ng anxiety disorder.
“Actually, hindi ko talaga alam na may ganu’n na pala akong condition. Hindi ko maintindihan nu’ng una kung bakit pero in-explain sa akin ng doktor. Kasi ang feeling ko minsan mamamatay na ako kasi yung BP (blood pressiure) umaabot ng 160, e, ang bata ko pa,” kuwento ni John.
Isa sa mga rason kung bakit siya inaatake ng panic attack ay dahil sa kanyang pagkapraning. Masyado raw siyang advance mag-isip at kung anu-ano ang pumapasok sa utak niya.
“Sobrang weird kasi ng utak mo kapag merong ganito, e, lalo na pag disorder siya, ang lagpas, sobrang lagpas (ng mga naiisip), alam mo ‘yung iniisip ng utak mo advanced lagi?” aniya pa.
Sa ngayon ay okay na raw siya at nakokontrol na niya ang kanyang panic attack. Pero may mga araw pa rin na nagiging moody siya dahil na rin siguro sa pressure.
Inamin din ng binata na kaya raw medyo natagalan ang paglabas ng kanyang “AMGO” album under Viva Records ay dahil sa struggle niya sa severe panic attacks.
Aniya, ang isa sa track sa kanyang EP na “Lagi” ay inspired daw ng kanyang mental health condition, “Sa akin, personally, I wrote ‘Lagi’ for anxiety. Ginawa kong tao yung anxiety na parang ayaw mo na siya sa buhay mo kasi, basically, in the first place, tayo naman ang nagto-tolerate sa sarili natin. Ginawa kong outlet yung ‘Lagi.'”
Si John mismo ang pumili ng pamagat na “AMGO” para sa kanyang unang EP. Ito’y Visayan word na ang ibig sabihin ay “realization” na swak na swak sa mga pinagdaanan niya sa buhay.
Ang iba pang kantang mapapakinggan sa kanyang album ay ang acoustic-driven “Muli”, “Itutuloy” which sees John going back a bit to his rap roots, “Natatangi” na may pagka-pop jazz, at ang “Andiyan” which is about steadfast love.
“Ang five songs na nasa album ay story din ng naging journey ko. Yung parang dini-discover ko ‘yung sarili ko, yung mga nangyari sa buhay ko. Mostly, these five songs parang related to all my realizations dito sa journey ko sa music,” pahayag pa ni John.
Unang sumikat si John Roa sa kanyang hit song na “Oks Lang” na nakakuha na ng 16 million views sa YouTube mula nang ma-upload ito noong January, 2018. Kaya kung nagustuhan n’yo ang “Oks Lang” siguradong makaka-relate tayong lahat sa mga bagong kanta ni John Roa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.