Bus, UV naaksidente sa NLEX: 8 patay, 13 sugatan
WALO katao ang nasawi at di bababa sa 13 pa ang nasugatan nang maaksidente ang isang bus at utility vehicle sa bahagi ng North Luzon Expressway na sakop ng Valenzuela City, Biyernes ng gabi.
Nakilala ang anim sa mga nasawi bilang sina Leo Victorino, 38; Jennifer Fernandez, 32; Joan Garcia; Mary Grace Alvarez; Maria Paz Mariano; at Zeus Lapig, pawang mga pasahero ng bus, ayon sa ulat ng Northern Police District.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa pang nasawi, na kapwa sakay din ng bus.
Sugatan ang 39-anyos na bus driver na si Victorio delos Reyes at 10 niya pang pasahero, pati ang driver ng utility vehicle na si Marvin Joseph Giron, 32, at isa niyang sakay.
Naganap ang insidente dakong alas-7:10, sa bahagi ng southbound lane ng NLEX na sakop ng Brgy. Gen. T. De Leon.
Binabagtas ng Izuzu Crosswind (ZGG-985) na dala ni Giron ang naturang bahagi ng expressway, nang bigla umanong magbagal ng takbo dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Dahil dito’y nabundol ng Buenasher bus (AGA-8610) na dala ni Delos Reyes, ang likod ng sinusundang Crosswind.
Kinabig pa ni Delos Reyes ang bus papunta sa kaliwa, hanggang sa sumalpok ito sa konkretong median barrier, bumagsak nang patagilid, at umikot, aypn sa ulat.
Naitulak naman ang Crosswind patungo sa kanan ng expressway at nahulog ito sa creek, ayon sa pulisya.
Isinailalim na sa “hospital arrest” ang bus driver at binabantayan ng mga pulis sa pagamutan, ayon sa NPD.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.