3 miyembro ng drug syndicate dakip sa P6.8M shabu
TATLO umano’y miyembro ng sindikato ng droga ang naaresto nang makuhaan ng P6.8 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Mandaluyong City, Lunes ng gabi.
Nadakip sina Raihana Pontino, 37; Aliola Sultan, 24; at Jassir Panggaga, 23, pawang mga tubong Marawi City, ani Maj. Gen. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office.
Ang tatlo’y pawang mga miyembro umano ng sindikatong may kaugnayan kay convicted drug lord Ahmin Buratong, na kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison, aniya.
Isinagawa ng Regional Drug Enforcement Unit at Mandaluyong Police ang operasyon sa Shaw Blvd., alas-11:25.
Unang nakuha sa mga suspek ang limang pakete na may kabuuang 1/2 kilo ng shabu, na ibinenta sa poseur buyer kapalit ng P800,000.
Nakumpiska sa kanila ang 10 pang pakete na na may kabuuang 1/2 kilo ng shabu, ang P800,000 “boodle money,” at ginamit nilang Toyota Revo (XGP-331).
Ayon kay Eleazar, dati nang tinarget ang mga suspek sa ibang operasyon sa Pasig City, ngunit nakaiwas ang mga ito.
Ang naarestong babae’y nadakip na sa Pasig noong nakaraang taon para sa droga’t baril, pero nakapag-piyansa, aniya.
“Sa pagkaka-aresto ng Ahmin Buratong group partikular na itong babaeng suspek na ginagamit nila, naniniwala tayo na malaking kabawasan ito sa kanilang network sa Metro Manila. But just the same, we have to pursue our investigation and find out yung kanyang pinagkukuhaan pati na rin yung iba pa niyang pinagdadalhan,” ani Eleazar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.