Agawan ng mic sa videoke bar nauwi sa saksakan: 1 patay

By John Roson June 17,2019
share this

Agawan ng mic sa videoke bar nauwi sa saksakan: 1 patay

By John Roson June 17,2019
share this

Isang lalaki ang nasawi nang mauwi sa saksakan ang pang-aagaw ng mikropono, sa loob ng isang videoke bar sa Siaton, Negros Oriental, nitong Linggo.

Nasawi si Jesus Gainsan, 37, residente ng Brgy. Maloh, ayon sa ulat ng Negros Oriental provincial police.

Naaresto ang suspek na mag-inang sina Rosita, 60, at Roger Nemaria, nasa ligal na edad, kapwa residente ng Brgy. Tayak.

Naganap ang insidente dakong alas-2:40, habang nag-iinuman ang biktima at mga suspek sa videoke bar na nasa Siaton Public Market, Brgy. 1.

Kumakanta noon si Rosita, nang bigla umanong inagawan ng mikropono ni Gainsan, kaya sila’y nagtalo.

Kasunod nito’y sumugod at nakipagpambuno kay Gainsan ang anak ni Rosita na si Roger.

Sa gitna ng pagpapambuno, pinagsasaksak ni Rosita si Gainsan sa iba-ibang bahagi ng katawan, ayon sa pulisya.

Dinala pa si Gainsan sa Cong. Lamberto Macias Memorial Hospital, ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Nadakip ng mga pulis sina Rosita at Roger sa isinagawang follow-up operation.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending