Vice Ganda: Nag-iiyak ako! Ang bigat ng feeling ko parang ang dami kong pasan
“NAG-IIYAK ako, I wasn’t feeling good about myself, feeling ko ang dami kong problema.”
‘Yan ang hugot ng Unkabogable Star na si Vice Ganda nang humarap sa mga PBB Otso housemates sa nakaraang episode ng reality show sa ABS-CBN.
Boluntaryong pumasok sa Bahay ni Kuya ang TV host-comedian nang mapanood ang kuwento ng isa sa mga bagong pasok na housemates, si Hasna Cabral. Meron siyang dalawang anak na parehong may autism – sina Bash, 9, at Baste, 6.
Ayon kay Vice, napanood niya ang pagkukuwento ni Hasna sa confession room tungkol sa kanyang mga anak na palaging nabibiktima ng pambu-bully. Sabi ni Hasna, ang pag-aalaga sa dalawang anak na may special needs ang nag-motivate sa kanya na sumali sa PBB. Lagi niyang ipinagdarasal na sana’y magkaroon siya ng trabaho na pwede siyang kumita and at the same time, hindi mawalay sa paningin niya ang mga anak.
Sa pagpasok ni Vice sa bahay ay agad niyang ipinaalam kung bakit siya naroon. Tumingin siya kay Hasna at kinausap ito, “Naramdaman ko, ang bigat-bigat ng pinagdadaanan mo. Blessing naman talaga sila. Hindi naman sila ang mabigat; ang mabigat, ‘yung mga karanasan, ‘yung mga pinaglalaban mo, ‘yung mga haharapin mo in the future na pagsubok.
“I also learned there were times na pinanghihinaan ka na ng loob, gusto mong sumuko. Hindi naman talaga natin kaya lahat, kasi kung kaya natin lahat, ba’t may Diyos pa? It’s a good thing that we acknowledge na hindi natin kaya lahat. We need help. Suporta. Pang-unawa,” sabi pa ng TV host-comedian.
Ayon pa kay Vice, ramdam na ramdam niya ang paghihirap ni Hasna nang mapanood niya ito pero napakarami niyang realizations after watching that particular episode of PBB, “Nag-iiyak ako. Noong puntong ‘yun kasi, I wasn’t feeling good about myself. I wasn’t feeling good about a lot of things. Ang bigat-bigat ng loob ko, feeling ko ang dami kong problema, feeling ko ang dami kong pasan. Nahihirapan ako, napi-pressure ako.
“But when I learned about your story, sabi ko, ‘Uy, ang arte-arte ko lang pala.’ Ang dami kong iniinda, eh walang-wala pala ‘to sa iniinda mo. Nakakahiya naman,” aniya pa.
Dugtong pa niya, “Every body sees me as a very strong person, when in fact mahina ako. I am broken. A part of me is broken, and it’s okay. Kasama ‘yun sa ganda ng pagkatao ko, my brokenness.
“There was a time in my life when I was 17, I gave up. Tapos ngayon na-realize ko…buti na lang pala talaga, hindi ako inabot. Paano kung natuluyan ako? Hindi naka-achieve ang mga pinangarap ko, hindi ko na-achieve ‘yung mga bagay na ang laki na kahit hindi ko pinangarap, ibinigay sa akin, hindi ko naranasan na makilala kayo, na maka-touch ng buhay ng ibang tao na hindi ko sinasadya,” dagdag pa ni Vice.
Binigyan ni Vice si Hasna ng isang napakalaking luggage na may lamang gamit para sa mga anak niya, with branded clothes na para naman sa “ukay-ukay” project ng mga housemates.
“Marami kang napa-realize sa akin. I felt like I needed to do something. Hindi ko ‘to ginagawa para lang tulungan ka. Natutulungan mo rin ako,” sabi ni Vice kay Hasna na tuluy-tuloy na ang pag-iyak.
“You gave me an opportunity to do something right, to do something good. Hindi naman ito ang sagot sa mga tanong ko bago kita nakilala, pero nu’ng nakilala kita at ang storya mo, parang gumaan ang damdamin ko. Hindi namn ito ‘yung sagot, pero bakit nakatulong ito sa ‘kin? Kaya mo ngayon, kayanin mo pa,” chika pa ni Vice.
“I’ve been given so much, more than what I need. Okay naman na ang pamilya ko. Ang gulo ng paligid, there’s so much negativity around, pero may mga magagandang bagay pa rin naman na nangyayari. Dapat kumapit tayo sa ganu’n, dapat hindi tayo mawalan ng pag-asa,” payo pa ng Phenomenal Box-Office Star.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.