DALAWANG tao ang nasaawi at di bababa sa 50 pa ang nasugatan nang sumalpok ang trailer truck sa pampasaherong bus sa Atimonan Quezon, Lunes ng madaling-araw.
Tatlong linggo lang bago ito’y nag-iwan ng tatlong patay at mahigit 70 sugatan ang salpukan ng isa pang bus at trak sa parehong bayan.
Nasawi sa pinakahuling salpukan ang truck driver, na inaalam pa ang pagkakakilanlan, at si Jonathan Lirio, driver ng Mark Eve bus, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Sugatan naman ang kundoktor na si Jordan Anthony Manuel at maraming pasahero ng bus, na kinabibilangan ng dalawang senior citizen at 11 kabataang may edad 17 hanggang 9-buwan.
Naganap ang insidente sa isa sa mga kurba sa Diversion Road na nasa Brgy. Malinao Ilaya, dakong alas-12:30.
Bumibiyahe pa-timog ang trak nang bigla itong lumipat sa kabilang lane, bumagsak, bumaligtad, at sumalpok sa kasalubong na bus, ayon sa ulat.
Kapwa nagtamo ng matinding pinsala ang mga driver ng trak at bus, at agad binawian ng buhay, ayon sa pulisya.
Dinala ang mga sugatan sa iba-ibang ospital sa lalawigan, para malunasan.
Iaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng salpukan sa Malinao Ilaya.
Noong Mayo 6, tatlong tao ang nasawi at mahigit 70 pa ang nasugatan sa salpukan ng isang bus ng AMV Travel and Tours at isang wing van, sa katabing barangay ng Santa Catalina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.