ARESTADO ang isang negosyante nang makuhaan ng aabot sa P8.5 milyon halaga ng iligal na droga sa serviced apartment unit ng isang high-end hotel sa Bonifacio Global City, Taguig City, Miyerkules ng madaling-araw.
Naaresto si Domingo Uy Jr., 44, residente ng isang condominum sa New Manila, Quezon City, ayon kay Maj. Gen. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office.
Isinagawa ng mga tauhan ng Taguig City Police at Philippine Drug Enforcement Agency ang operasyon sa unit 909 ng Shangri-la at the Fort, dakong ala-1, matapos mag-ulat ang security personnel ng hotel, ani Eleazar.
Kabilang sa mga nakumpiska sa operasyon ang 4,038 piraso o P6.864 milyon halaga ng umano’y Ecstacy, aabot sa 350 gramo o P1.855 milyon halaga ng hinihinalang cocaine, at P51,500 halaga ng hinihinalang marijuana.
Nakasamsam din ng iba pang kemikal na hinihinalang droga, mga dokumento, at P720,346 cash.
Hinahandaan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law ang suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.