Iza, Jericho waging best actress, best actor
PINARANGALAN ang ABS-CBN ng Tanglaw Broadcast Media Lifetime Achievement Award sa ika-17 Gawad Tanglaw Awards na iginagawad ng mga kritiko ng pelikula, historian, at propesor ng humanidades kamakailan lang.
Pinuri ng Gawad Tanglaw ang Kapamilya Network sa “serbisyong hinahatid nito sa mga Pilipino sa pamamagitan ng free television, digital terrestrial television, radio, cable, music, mga adbokasiya, pag-aalaga sa kalikasan, at sa global na telebisyon sa 65 taon nito, at sa pagiging number one television network sa bansa.”
Umani ang Kapamilya network ng 31 na parangal para sa tatlo nitong channel na ABS-CBN channel 2, ANC, the ABS-CBN News Channel, Metro Channel, at ang DZMM Radyo Patrol 630.
Itinanghal ang ASAP Natin ‘To bilang Best Variety Show habang ang Ipaglaban Mo ang nanalo ng Jury Award for Television Crime Anthology. Nanalo naman ang Pareng Partners bilang Best Communication Program Development habang ang My Puhunan ang ginawaran ng Jury Award for Sustainable Development in Entrepreneurship.
Nagwagi ang Ngayon at Kailanman star na si Iza Calzado bilang Best Actress (Drama Series), habang ang Halik stars na sina Jericho Rosales at Daisy Cariño ang napiling Best Actor (Drama Series) at Best Supporting Actress (TV Series). Nanalo rin si Edu Manzano bilang Best Supporting Actor (TV Series) para sa FPJ’s Ang Probinsyano habang si Tony Labrusca ang tumanggap ng Gawad Elenita Navor-Hermoso para sa Natatanging Artista ng Bagong Henerasyon.
Umani rin ng parangal ang mga bida ng Maalaala Mo Kaya episode na “Duyan” na pinagbidahan nina Allen Dizon at Meryll Soriano bilang Best Performance by an Actor at Actress (Single Performance).
Hindi rin nagpahuli ang lifestyle cable channel na Metro, na umani ng mga tropeo para sa mga programa nitong ipinagdiriwang ang ganda at galing ng kulturang Pilipino.
Nanalo ang mga local travel-cuisine show na Show Me The Market, Chasing Flavors, at Food Prints ng tag-iisang Jury Award for Cultural Development and Sustainability. Sina Chef Claude Tayag at Sandy Daza ang tumanggap ng award.
Ang Women of Style naman, na tampok ang galing ng mga babaeng Pilipino, ang nakatanggap ng Jury Award for Gender and Development, habang ang home interiors program na Metro Home ang tumanggap ng Jury Award for Sustainable Design and Innovation.
Pinarangalan rin ang ANC, the ABS-CBN News Channel bilang Best TV Station at tumanggap pa ng 12 tropeo kabilang ang Best Business Program para sa The Boss at On the Money. Itinuring na Best Public Affairs Program ang Beyond Politics at hinirang na Best TV Female Anchor ang Headstart anchor na si Karen Davila.
Samantala, nagwagi rin ang programang Usapang de Campanilla ng DZMM Radyo Patrol 630 ng Best Public Service Program. Layunin ng Gawad Tanglaw na parangalan ang mga natatanging pelikula at TV show.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.