Alam mo ba? 1 sa 7 sanggol na isinisilang kulang sa timbang
MAHIGIT sa 20 milyong ipinanganak noong 2015 ay kulang sa timbang, a-yon sa pag-aaral ng Lancet Global Health.
At 90 porsyento ng mga ipinanganak na hindi hihigit sa 2.5 kilo (5.5 pounds) ang timbang ay mula sa low at middle-income countries.
Sa buong mundo, 15 porsyento ng mga sanggol na ipinanganak noong 2015 mula sa 148 bansa ay mayroong mababang timbang—mula 2.4 porsyento sa Sweden hanggang 28 porsyento sa Bangladesh.
Mas mababa ito sa 17.5 porsyento na naitala noong 2000.
Sa sub-Saharan Africa, ang bilang ng mga ipinanganak na mababa ang timbang ay tumaas sa 5 milyon noong 2015 mula sa 4.4 milyon noong 2000.
Sa Southern Asia naman matatagpuan ang 9.8 milyon sa mga sanggol na ito, halos kalahati ng kabuuan sa buong mundo.
Ang mga sanggol na kulang sa timbang mula sa sub-Saharan Africa at South Asia ay iniuugnay sa kakulangan ng nutris-yon ng kanilang mga ina.
Ang pagkakaroon ng timbang na mababa sa 2.5 kilo pagkapanganak ay iniuugnay sa pagkamatay ng sanggol o pagkakaroon nito ng malubhang sakit sa hinaharap.
Walumpung porsyento ng mga 2.5 milyong bagong panganak na namamatay kada taon ay mayroong mababang timbang.
Ang mga underweight na nabuhay ay kalimitan namang nagkakaroon ng developmental at health problems paglaki gaya ng diabetes at cardiovascular disease.
Ang adolescent pregnancies ay itinuturing ding sanhi ng pagkakaroon ng undernourished na sanggol at mataas na bilang ng cesarean sa Estados Unidos at Brazil.
Pinag-aralan ng mga researcher ang database ng 148 bansa mula 2000-2015. Umabot ito sa 281 milyong bagong pa-nganak. Hindi naisama ang lahat ng bansa gaya ng India dahil kulang ang makuhang datos sa mga ito.
Ayon kay Julia Krasevec, statistics and monitoring specialist ng UNICEF, halos one-third ng mga ipinapanganak sa mundo ay hindi natitimbang.
Ang pinakamababang bilang ng mga sanggol na kulang sa timbang ay sa Finland (4.1%), Iceland (4.2%) Serbia (4.5%), Norway (4.5%), Albania (4.6%), China (5%), Croatia (5.1%) at Cuba (5.3%).
Ang mga malalaking bansa naman na nasa 6-8 porsyento ang underweight na ipinapanganak ay kinabibilangan ng France, United States, Great Britain, Germany, Mexico at Brazil.
Ang mga bansa naman na lagpas sa 20 porsyento ang underweight birth ay Bangladesh, Comoros, Guinea-Bissau, Nepal at Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.