Mga Laro Linggo (Mayo 19)
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Blackwater vs Meralco
6:30 p.m. Alaska vs Columbian
IPAPARADA na nang Blackwater Elite si 2019 PBA Rookie Draft No. 2 overall pick Bobby Ray Parks Jr. sa pagsagupa nila sa Meralco Bolts sa pagbubukas ngayong Linggo ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumapos sa huling puwesto ang Elite sa katatapos na Philippine Cup at hangad nilang makuha agad ang unang panalo sa salpukan nila Bolts sa unang laro ganap na alas-4:30 ng hapon sa kumperensiyang katatampukan ng mga import.
Maghaharap naman ang Alaska Aces at Columbian Dyip sa alas-6:30 ng gabi na main game kung saan asam ng dalawang koponan na agad makisalo sa liderato sa pagbubukas ng torneo.
Ipaparada ng Blackwater si Parks, na isang three-time ASEAN Basketball League (ABL) local Most Valuable Player, at ang balik-import na si Alex Stepheson, na naglaro sa Meralco Bolts noong 2017 Commissioner’s Cup.
Ang 31-anyos na si Stepheson ay nag-average ng 15.6 puntos, 19.4 rebounds at 1.8 blocks para ihatid ang Bolts sa quarterfinals ng Commissioner’s Cup. Manggagaling din siya sa paglalaro para sa Yokohama B-Corsairs sa Japan B-League.
Isasalang naman ng Bolts ang Nigerian at European League veteran na si Gani Lawal , na magmumula sa paglalaro para sa Shiga Lakestars sa Japanese B.League. Ang 30-anyos na si Lawal, na No. 46 pick ng Phoenix Suns noong 2010 NBA Draft, ay dating miyembro ng Nigerian national team na sumabak sa 2013 FIBA Africa Championship at nakapaglaro na rin siya sa Poland, United Arab Emirates, China at Latvia pati na rin sa NBA G League kung saan sumabak siya sa Reno Bighorns, Delaware 87ers at Westchester Knicks.
Ipaparada naman ng Alaska si Chris Daniels sa hangarin nitong maduplika ang pagpasok nito semifinals sa Commissioner’s Cup noong isang taon habang ang Columbian, na hindi nakapasok sa playoffs noong isang taon, ay isasalang ang baguhan sa liga subalit beterano ng ABL na si Kyle Barone.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.