Mga miyembro ng Swimming Pinas nais makapaglaro sa national team
SA layuning makapaglaro para sa bayan ang mga manlalangoy ng Philippine Swimming League (PSL) ay binuo ng team manager na si Joan Mojdeh ang grupong Swimming Pinas na kinabibilangan ng mga elite swimmers na may edad 11 hanggang 17 taong gulang.
May alitan kasi ang PSL at ang kinikilalang opisyal na national sports association ng swimming na Philippine Swimming, Inc.
Sa pamamagitan ng Swimming Pinas ay maaari nang lumahok sa mga national tryouts ang mga tulad nina Marc Dula, Julia Basa, Triza Tabamo, Marcus Dekam, Jules Mirandilla, John Neil Paderes, Jordan Ken Lobos, Joco Delizo at Micaela Jasmine Mojdeh, na nagtala ng dalawang bagong junior record sa katatapos na Palarong Pambansa sa Davao City.
“Our mission is to give our elite swimmers a chance to reach their full potential through proper training and guidance. Of course we need resources, but right now, nagtutulong-tulong kaming mga parents para sa kanilang mga needs,” pahayag ng team manager na si Mojdeh sa kanilang pagbisita sa ‘Usapang Sports’ na inorganisa ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club, Intramuros, Maynila.
“Malaki po ang potential nang aming mga swimmers na makasama sa National Team in the future, hopefully makalangoy sila this coming SEA Games in December.”
Dagdag pa ng nakatatandang Mojdeh nakatuon ang programa ng Swimming Pinas para mabigyan ng mas mataas na antas ng pagsasanay at kompetisyon sa local at international sa hangaring makalikha ng bagong bayani sa sports sa larangan ng paglalangoy.
Isa sa pambato ng Swimming Pinas ay ang anak ni Joan na si Micaela Jasmine na nagtala ng bagong marka sa 200-meter butterfly sa bilis na 2:22.69 para lagpasan ang dating Palaro record na 2:25.21 ni Suzanne Vernon.
“Maganda po ang naging campaign nila sa Palaro, hopefully ma-improve pa for the coming National Finals ng Philippine Swimming Inc. Granx Prix,” sambit ni Mojdeh, patungkol sa serye ng torneo ng PSI kung saan gagamiting basehan para sa national tryouts sa SEA Games.
“Before this, we set to compete first in Canada next month, dagdag exposure po sa kanila.”
Nilinaw ni Mojdeh ang isyu ng pagsali ng Swimming Pinas sa PSI na aniya’y nabuo bunsod na rin ng pagpayag ni PSL president Susan Papa.
“Actually wala na pong isyu dyan. Malinaw po na kasama pa rin kami sa PSL as elite swimmers. ‘Yung sa PSI moving up ng mga swimmers, dahil ‘yung focus namin ngayon makapasok ang mga swimmers sa national team,” aniya.
Ang linguhang sports forum ay itinataguyod ng Philippine Sports Commission, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks ni Mike Atayde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.