Grae Fernandez umaming type maging dyowa si Chantal Videla
HINDI pala aware ang baguhang Kapamilya teen star na si Chantal Videla na gusto siya ni Grae Fernandez, basta ang alam lang niya ay mabait sa kanya ang binatilyo.
Naikuwento ni Grae ang mga nagustuhan niya sa dalagita sa nakaraang media day ng weekly series silang Hiwaga Ng Kambat na pinangungunahan nina Edward Barber at Maymay Entrata.
Kuwento ni Grae, “Like ko po si Chantal. Nakita ko sa kanya ‘yung devotion to God talaga, sobrang mahal niya ang Panginoon at ganu’n din po ako. At everytime nagpi-pray siya at nakita ko po na palagi niyang kasama ang nanay at tatay niya. Makikita mo talaga na masaya sila.”
Nagulat ang dalagita sa pahayag na ito ng ka-loveteam, “Thank you kasi ‘yun ang nakita mo sa akin. Hindi ko na-expect ‘yun from you, ha (nakatingin sa aktor). Hindi po kasi siya masyadong nag-e-express ng (feelings).”
Pero malabo pang magkaligawan ang dalawa sa ngayon dahil mas prayoridad nila ang kanilang karera.
Sabi ni Chantal, “Wala pa po sa loob ko. Gusto ko pong i-enjoy pa ‘yung youth ko. Usapan po namin ng daddy ko na 28 years old pa ako puwedeng magkaroon ng boyfriend.
“Sabi nga po ni mommy tumawad daw ako, mga 25 years old daw. May time pa naman para diyan at hindi pa po ako mature para magka-boyfriend. Mas gugustuhin ko po mature na talaga ako para responsible na ako sa decisions ko.
“Willing po akong sundin ang sinasasabi ng parents ko kasi they know what’s best for me. Ngayon po nakaka-work ko po sila (Grae, Edward at Maymay), may mga achievements po ako kasi sinusunod ko ang mommy at daddy ko,” paliwanag ni Chantal.
Hindi pa rin daw iniisip ni Grae ang pagkakaroon ng girlfriend, “Actually ganu’n din po ang set of mind ko.
Para maibigay ko muna ang dedikasyon ang ginagawa ko sa work,” saad ng binatilyo.
Ang nagustuhan naman ni Chantal kay Grae, “Gentleman po siya, honestly hindi po ako kasi sanay na ang lalaki very touchy at alam po ni Grae ‘yun kaya nagustuhan ko po ‘yun, sa eksena (Hiwaga Ng Kambat) po ‘yun.”
Ang Hiwaga Ng Kambat ay mula sa Dreamscape Entertainment para sa Bagong Weekend Serye kapalit ng Wansapanataym na napapanood tuwing Linggo.
Ngayong gabi, abangan kung mabubuking na ni Mateo ang lihim ng pagkatao ni Iking dahil muli silang magtatapat dahil magpapagalingan sila sa arnis.
Magugulat si Mateo sa husay ni Iking sa kabila ng pagiging bulag nito at maghahamon pa ng rematch.
Pero bago pa man matapos ang laban nila, tatakas si Iking sa takot na makita siya ng kaaway na magpalit-anyo bilang paniki. Ang Hiwaga Ng Kambat ay mula sa direksyon nina Onat Diaz at Jerome Pobocan.
Samantala, iisa ang pahayag ng lahat na kaboses ni Grae ang tatay niyang si Mark Anthony Fernandez.
Si Grae ay si Mateo Baron na lumaking spoiled brat dahil mayaman ang umampon sa kanya at si Edward naman ay si Iking Castro na isang bulag pero matalas ang pakiramdam at sa gabi ay nagiging paniki.
Natanong si Grae kung may advice ba sa kanya ang daddy niyang si Mark pagdating sa pag-arte.
“Ayaw niya po ako turuan ng mga ganu’n kasi baka magaya ko, o sabihin ng ibang tao ginagaya ko siya, so gusto niyang maging original ako sa sarili ko sa style. Hahanapin mo ‘yung sariling style kasi kung nakita mo ‘yung style ng isang tao, ano pa ang maibigay mong bago? ‘Yun po ang natutunan ko,” sabi ng batang aktor.
Napuri ni Grae si Edward dahil sa 15 days palang nilang pagte-taping ng Hiwaga Ng Kambat ay nakita na nito ang dedikasyon ng huli sa trabaho niya.
“Makikita mo talaga na gustung-gusto niyang matuto at sobrang nakakabilib ‘yun. Ako po kasi sa sarili ko lahat ng ginagawa ko binibigyan ko ng pagmamahal at dedikasyon, pag nakikita ko sa ibang tao, sobrang bilib ako sa taong ‘yun kasi nakikita ko po ang sarili sa kanya,” pahayag ni Grae.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.