NAKAKABIGLA ang naging desisyon ni Alfrancis Chua na magbitiw bilang head coach ng Barangay Ginebra San Miguel noong Lunes. Inihayag ni Chua ang kanyang desisyon bago nagsimula ang ensayo ng Gin Kings sa Xavier School Gym.
Matagal na raw pinag-isipan ni Chua ang hakbang na ito. Katunayan, napag-usapan na niya at ng kanyang maybahay ang kanyang pagbibitiw habang sila’y nagbabakasyon sa Japan noong nakaraang buwan.
Anyare? Ano ba ang dahilan ng desisyong ito? Ayon sa mga sources ay tila dismayado si Chua sa mga nangyaring pagbabago sa kampo ng Gin Kings nitong mga nakaraang araw.
Hindi naman siguro tungkol sa pagkuha sa sentrong si Japeth Aguilar buhat sa Global Port ang nag-trigger nito. Malaking karagdagan ang 6-8 na si Aguilar sa Ginebra lalo’t laging sinasabi ni Chua na kailangan nila ng big man.
Bagama’t hindi naman dominant center si Aguilar, ay siguradong malaki ang maitutulong nito sa rebounding department. Katunayan may nagsabi na hindi naman gagamitin bilang center si Aguilar kundi bilang power forward sa hangaring maka-create ng mga mismatches.
Maraming nagsasabi na ang pangunahing dahilan ng pagbibitiw ni Chua ay ang nangyaring shake-up sa kanyang coaching staff. Nawala sa poder ng Gin Kings sina Juno Sauler at Alan Caidic na ngayon ay nasa UAAP.
Si Sauler ay head coach ng La Salle Green Archers samantalang si Caidic ay isa sa kanyang assistant coaches. Nawala rin si assistant coach Bethune “Siot” Taquingcen na ibinalik sa Petron Blaze (dating San Miguel Beer) bilang bahagi ng management staff.
Nalipat papuntang Barangay Ginebra sila Renato Agustin at Jorge Gallent na galing sa Petron at kinuha nila bilang bagong assistant coach si David Zamar na kasalukuyang head coach ng University of the East Red Warriors sa UAAP.
Hindi naman masama ang mga kapalit. Pwedeng masabi na improvement ang mga ito. Ang problema ay kailangan nila kaagad na magkaroon ng chemistry sa coaching staff upang maging maganda ang takbo ng koponan simula sa PBA Governor’s Cup na mag-uumpisa sa Agosto 14.
Mayroon tayong kasabihan na “If it ain’t broke, why fix it?” Yun siguro ang saloobin ni Chua. Kung titingnan kasi ang tatlong ball clubs ng San Miguel Corporation, masasabing inferior ang Barangay Ginebra sa Petron Blaze at SanMig Coffee.
Sa nakaraang dalawang conferences ay napakalaki ng expectatoins ng lahat sa Blazers at Boosters. Pero ni isa sa dalawang ito ay wala pang nakapasok sa finals sa kasalukuyang season.
Ang Petron ay maagang na-eliminate sa Philippine Cup kung saan ang naglaban sa finals ay ang Talk N’ Text at Rain or Shine. Ang San Mig Coffee ay natalo sa Alaska Milk sa semifinals ng nakaraang Commissioner’s Cup.
Sa kabila ng mas maliit na expectation ay ginulat ng Barangay Ginebra ang lahat nang makarating ito sa finals ng Commissioner’s Cup sa ilalim ni Chua na nasa kanyang unang conference bilang head coach ng koponan matapos palitan si Tanquingcen. Oo at winalis ng Aces ang Gin Kings, 3-0, subalit hindi magbabago ang katotohanang nag-over achieved ang Barangay Ginebra.
Siyempre hindi lang kay Chua ang lahat ng kredito sa pangyayaring iyon. Kahit paano ay malaki ang naitulong ng kanyang coaching staff na nakagamayan na niya. Kaya siguro kahit paano ay nagsisintir si Chua sa changes na naganap.
Pero siyempre baka may iba pang mas malalim na dahilan na hindi natin nalalaman. Hinihimok pa di umano ang pamunuan ng Barangay Ginebra si Chua na magreconsider. Malay natin, baka magbago pa ang isip niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.