Vice mayoralty bet umaangal saka-tandem, kulang daw ang pondo
DALAWANG linggo bago ang halalan ay inabot na ng matinding hinala ang isang kandidato sa pagka-vice mayor sa isang lungsod dito sa Metro Manila.
Kapos na kapos daw kasi ang budget na ibinibigay sa kanya ng kanyang partner na kandidato sa pagka-alkalde.
Malayo raw kasi ang halaga na natatanggap niya kumpara sa kanilang pinagkasunduan na mobilization fund.
Ilang araw na rin daw siyang abonado lalo na sa pagpapakain sa kanilang mga supporters.
Ito raw ang dahilan kaya umiiwas muna siyang dumaan sa kanilang headquarters dahil tiyak na mag-aabono ulit siya para sa mga tagasuporta.
Bukod kasi sa kanyang sarili ay ginagastusan rin ng ating bida ang pangangampanya ng ilan sa kanyang mga kaanak na kandidato rin.
Samantala, nanindigan naman ang kampo ng tumatakbong alkalde na wala na siyang atraso sa kanyang ka-tandem dahil bayad na raw ito sa kanyang mga naipangako.
Nauna nang lumabas ang report na P80-million plus projects ang hininging pera ng ating bida para lamang tumakbo na vice mayor sa kanilang lungsod at kapartner ng nasabing mayoralty candidate.
Hindi naman daw kasi papayag si Mr. Vice Mayoralty candidate na magpakuha ng picture kasama si “Yorme” kundi pa nagbibigay ng paunang bayad.
Kung sabagay ay kilalang kurap si Mr. Vice Mayoralty candidate na humawak na rin ng ilang elected position sa kanilang lungsod sa nakalipas na mga panahon.
Ang bida sa ating kwento ngayong umaga na kumita na pero nagrereklamo pa ay si Mr. A…as in Alkansya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.