‘Magnitude 7.1 lindol parating’ fake news-Phivolcs
NAGBABALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa publiko laban sa kumakalat na text message na nagsasabing parating na ang magnitude 7.1 lindol.
Ayon sa Phivolcs wala silang ipinakakalat na ganitong impormasyon.
“Nais naming ipabatid sa publiko na hindi nanggaling sa DOST-PHIVOLCS ang mensahe na ito at walang sapat na basehan para maglabas ng warning ang aming tanggapan tungkol sa isang nalalapit na malakas na lindol,” saad ng advisory na inilabas ng Phivolcs.
Sinabi ng Phivolcs na wala pang aparatu o teknolohiya na nalikha para ma-predict kung kailan mararamdaman ang isang lindol.
Kumalat ang text messages matapos ang magnitude 6.1 lindol na yumanig sa Central Luzon, Metro Manila at Calabarzon.
Ayon sa text message: “MAHALAGANG PABATID SA LAHAT! Warning ng Philvocs sa atin sa lindol na mararanasan sa Metro Manila. May 100 kilometrong fault line na sa kasalukuyan ay nasa Bulacan, Quezon City, Markina, Pasig, Makati, Taguig, Muntinlupa, Rizal, Cavite at Laguna na kung saan ay maaring maranasan ang intensity 7.1 na lindol.”
Umapela ang Phivolcs sa mga nakatanggap ng mensahe na huwag na itong ikalat upang hindi na lumikha ng pangamba.
Ang dapat umanong gawin ng lahat ay maghanda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.