Baril pinaglaruan: 7-anyos napatay ng 12-anyos | Bandera

Baril pinaglaruan: 7-anyos napatay ng 12-anyos

John Roson |April 20,2019
facebook
share this

Baril pinaglaruan: 7-anyos napatay ng 12-anyos

John Roson - April 20, 2019 - 08:36 PM

NASAWI ang isang 7-ayos na batang lalaki matapos na aksidenteng mabaril ng 12-anyos niyang kalaro, sa San Vicente, Palawan.

Naganap ang insidente Miyerkules, ngunit Biyernes na nang maiulat sa lokal na pulisya dahil sa layo ng pinangyarihan, sabi ni Lt. Col. Socrates Faltado, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.

Sa imbestigasyon, lumabas na naglaro ang dalawang bata sa bahay ng stepfather ng 12-anyos, at doon nila natagpuan ang baril.

Aksidenteng nakalabit ng 12-anyos ang gatilyo ng baril at naputukan ang leeg ng 7-anyos, ani Faltado.

Wala sa umano sa bahay ang stepfather ng 12-anyos nang maganap ang insidente.

Sinabi naman sa pulisya ng ina ng 7-anyos na nakadinig siya ng putok ng baril mula sa bahay kung saan naglalaro ang bata, kaya pinapunta doon ang anak na babae.

Nang makarating ang anak na babae doo’y hinarang umano siya ng 12-anyos at sinabi nito na tumakbo palabas ang kanyang kapatid.

Gayunpaman, napansin umano ng batang babae ang mga bakas ng dugo sa paa ng 12-anyos.

Hinanap ng pamilya ang 7-anyos hanggang sa matagpuan nila ang bangkay nito dakong alas-7 ng gabi Miyerkules, sa isang bakanteng lote na 40 metro lang ang layo sa bahay ng 12-anyos.

Isinuko sa pulisya ng mga opisyal ng barangay ang kalibre-.45 pistola na pinaglaruan ng mga bata, ang karga nitong magazine na may pito pang bala, at 13 pang bala na nakabalot sa diaper.

Napag-alaman na ang naturang baril ay pag-aari ng stepfather ng 12-anyos at walang kaukulang dokumento, ani Faltado. 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending