MAS malaki ang tyansa na magkaroon ng type 2 diabetes ang isang tao na mahilig sa matatamis na inumin kumpara sa mga tao na mahilig sa matatamis na pagkain.
Ito ang lumabas sa pananaliksik na isinagawa sa isang ospital sa Toronto.
Tinutukan sa pag-aaral ang fructose sugar na humahalo sa glucose level ng dugo ng mga taong mayroon at walang diabetes.
Ang fructose ang sugar na makikita sa mga pagkain gaya ng prutas, gulay, fruit juice at honey. Inihahalo rin ito sa soft drinks, breakfast cereals, baked goods, sweets, at desserts.
Ayon sa pag-aaral, ang mga sweetened drinks at iba pang fructose-containing foods ay nakapagpapataas ng glucose level sa dugo na siya rin namang nagpapataas ng tsansa na magkaroon ng type 2 diabetes ang isang tao.
Ang diabetes ay isang chronic disease na resulta ng kabiguan ng pancreas o lapay na makalikha ng sapat na insulin na siyang nagre-regulate ng blood sugar.
Mas maliit o halos wala umanong epekto ang fructose na nasa prutas at pagkain sa pagtaas ng glucose level sa dugo.
May magandang epekto rin umano ang pagkain ng prutas kahit mayroon itong glucose lalo na kung mataas ang fiber content nito.
Nilinaw naman ng mga nagsagawa ng pag-aaral na marami pang pag-aaral na dapat na gawin upang maging konkreto ang konklus-yon ng pag-aaral subalit magagamit na umano itong guide upang makaiwas sa type 2 diabetes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.