SINAGOT ni dating ABAP chief Manny Lopez (ikalawa mula sa kanan) ang tanong ng sports media sa ginanap na ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila. Kasama ni Lopez sina (mula kaliwa) Carlo Maceda ng CBA, WAP president Alvin Aguilar, TOPS president Ed Andaya at Marlon Monte ng Bulacan Heroes.
IGINIIT ni Wrestling Association of the Philippines (WAP) president Alvin Aguilar na malaki ang maitutulong ng wrestling sa hangarin ng Team Philippines na muling makamit ang overall championship sa 30th Southeast Asian Games ngayong Nobyembre.
Ngunit kailangan niya ang tulong ng Philippine Olympic Committee (POC) para masiguro na hindi agrabyado ang mga Pinoy weightlifters sa biennial meet.
“I already talked with my fellow wrestling officials in the region. Actually, pinapirma ko sila sa petition na mabago ang mga event na naunang na-approved sa SEA Games Federation meeting, gayundin maidagdag ang mga event na talagang malaki ang tsansa nating manalo,” sabi ni Aguilar sa kanyang pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Ayon kay Aguilar agrabyado ang Pinoy wrestlers sa mga event na naunang naaprubahan ng SEAG Federation.
“During the ASEAN Wrestling Championship held last year in Laguna, we won 31 gold medals. In the coming SEA Games, we fight with the very same opponents, so ‘yung tsansa nating manalo malaki, but unfortunately sa 20 event na approved ng SEAG Federation, mahina pa tayo,” sabi ni Aguilar sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission sa pakikipagtulungan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
“Target natin makuha uli ang overall title, so kami sa wrestling gusto naming makapag-ambag. Pero paano makakaambag ang wrestling kung ang mga event na lalaruin ay mahina tayo,” dagdag ni Aguilar.
Sinang-ayunan ni Manila Rep. Manny Lopez ang sinabi ni Aguilar kasabay ang panawagan sa mga atleta na galingan ang ensayo para maihanda ang mga sarili sa laban.
“This is the fourth time that we will host the SEA Games. This is the biggest sports gathering in the region and the last time we played host nakuha ng bansa ang overall championship. This year, kailangan natin muling lumaban at maging overall champion,” sabi ni Lopez.
Ayon sa dating boxing chief at chairman ng Philippine Olympic Committee (sa panahon ni Jose “Peping” Cojuangco Jr.) ang SEAG Federation ay sang pamilya na nagbibigayan at nagkakaisa higit sa host country.
“We call it all the boys club. Kaya sa SEAG Federation meeting pa lang, napag-uusapan na actually kung anong mga sports ang lalaruin at saan ang venue. As host, dapat mas malakas ang boses natin,” dagdag pa ni Lopez.
Inanunsyo rin ni Aguilar, founder ng Universal Reality Combat Championship (URCC) na maglulunsad ito ng international event sa Abril 27 sa The Cove ng Okada.