LABING ANIM na driver ng public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa ang nagpositibo sa iligal na droga matapos ang isinagawang sunod-sunod mandatory drug test ngayong araw, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa isang panayam, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na kasalukuyang isinasagawa ang“Oplan Harabas” sa 49 na lugar sa buong bansa.
“Ngayon araw na ito, so hindi pa natatapos, meron na tayo kagad na 16 na postive na drivers na gumagamit ng iligal na droga,” sabi ni Aquino.
Idinagdag pa ni Aquino na isasailalim pa sa confirmatory test ang mga urine samples na kinuha sa mga driver.
Sakaling muling magpositibo sa confirmatory test, pansamantalang tatanggalan na ng lisensiya ang mga driver.
“Pag nalaman natin sa siya (driver) ay involved talaga sa illegal drugs, well, tutulungan namin yan na ma-rehabilitate o ma-reform. ‘Di naman natin yan pababayaan yung mga drivers na yan,” sabi ni Aquino.
“Temporarily ire-revoke ng LTO yung kanilang driver’s license and eventually after siguro makatapos siya o maka-graduate ng isang reformation or rehabilitation program, pwede na siya sigurong bumalik muli sa dati niyang trabaho,” idinagdag pa ni Aquino.
Isinasagawa ng PDEA ang Oplan Harabas sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Health (DOH), at LTO.
“Nagpulong-pulong itong mga ahensya na ito para ipatupad namin itong aming Oplan Harabas…Ginagawa namin ito para ma-drug test yung mga drivers ng public utility vehicles ito ay para maging safe ang ating mga commuters to ensure na yung mga drivers natin, mga konduktor, tsaka mga dispatcher ay nasa maayos at di gumagamit ng iligal na droga,” dagdag pa ni Aquino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.