Ex-PBB Otso housemate nanawagan kay Coco: Kahit po tagaluto lang ng mga rebelde sa Probinsyano
NANAWAGAN ang Pinoy Big Brother Otso housemate na si Mary Grace Lagos kay Coco Martin matapos ang kanyang “pakikipaglaban” sa Bahay ni Kuya.
Sa guesting ni Mary Grace sa Tonight With Boy Abunda kamakailan, naikuwento ng former PBB housemate ang kanyang future plans at kung makakakuha siya ng mga raket dito sa Pilipinas ay ayaw na niyang maging domestic helper muli.
“Ayaw ko na po sanang mangibang-bansa, mag-domestic helper, kung pwede lang, di ba? Napasma na ‘tong kamay ko. Kung may offer ng showbiz, baka naman, di ba? Kahit patayin lang ako sa SOCO, puwede na ako e,” paliwanag ni Mary Grace.
Dito na nanawagan ang dalaga sa idol niyang si Coco Martin na sana’y kunin din siya ng Teleserye King na maging bahagi ng Probinsyano.
“Kaya po mananawagan ako kay Mr. Coco Martin, (na maging) tagaluto ng mga rebelde kasi magaling ako magluto,” natatawa pang chika ni Mary Grace.
Samantala, naikuwento rin ng dalaga kung paano sila nagkakilala ng kanyang boyfriend na si Kaiser dahil sa sayaw na “Jontra.” Isa itong kilalang sayaw sa Balut island sa Davao Occidental kung saan nagmula si Mary Grace.
“Diyan ko na-meet yung boyfriend ko, sa sayaw na ‘to. Nakaupo ako nu’ng nilapitan ako ng boyfriend ko. Siyempre bet ko din siya kasi basketball player, tumayo ako. Du’n na kami nag-start ng sayaw,” chika ni Mary Grace.
Nang tanungin ni Boy Abunda kung bakit hindi na siya nakapag-antay na lumapit si Kaiser sa kanya, sagot ni Mary Grace, “Choosy pa ba tayo? Walang karapatan maging choosy, Tito Boy.”
Ayon pa kay Mary Grace, dream din nila ni Kaiser ang magpakasal in the future, pero aniya may mga plano pa sila para sa kani-kanilang pamilya.
“Nagpatayo na kami ng bahay pero di pa tapos. Plano namin yun. Sabi namin magpapakasal kami kapag tapos na lahat ng mga dreams namin. Especially sa pamilya niya. Kasi panganay siya, breadwinner siya. Gusto kong patapusin niya lahat ng kapatid niya bago ako,” sey pa ni Mary Grace.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.