Kulang pa ang P5 bilyon | Bandera

Kulang pa ang P5 bilyon

Frederick Nasiad - March 24, 2019 - 04:06 PM

TALAGANG mahirap ang gumalaw at mag-organisa ng isang multi-sport at multi-nation event kapag maliit lamang ang badyet.

At lalong mas mahirap kung ang inaasahan mong badyet ay hindi pa nga dumarating ay binawasan pa.

Iyan ang hugot ni Allan Peter Cayetano, ang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na siyang inatasang mag-organisa at mamahala sa ika-30 Southeast Asian Games na gaganapin dito sa Pilipinas umpisa Nobyembre 30, 2019.

Ang PHISGOC ay binubuo rin ng mga kinatawan mula sa Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) pero pinamumunuan ito ni Cayetano.

Ang unang ni-request na badyet ng PHISGOC sa ating gobyerno ay P9 bilyon.

Sa Kamara ay bumaba ito sa P7.5 bilyon na ayon kay Cayetano ay sapat na para makapagpakita tayo ng maganda at maayos na palaro na kung saan ay hindi tayo mapapahiya sa ating mga kapitbahay sa Southeast Asian region.

Ang problema, pagdating sa Senado ay muli na naman itong nabawasan at naging P5 bilyon na lamang.

Malaking halaga pa rin naman ang P5 bilyon pero hindi ito sapat lalo pa’t nais ni Cayetano na maging “five star” ang hosting ng Pinas sa darating na SEA Games.

Kung ikukumpara mo sa iginastos ng Singapore noong 2015 na P12 bilyon (katumbas sa ating piso) at Malaysia noong 2017 na P6.4 bilyon ay maliit nga talaga ang P5 bilyon.

“We can do it for much cheaper,” sabi ni Cayetano sa isang press conference na kanyang ipinatawag noong Sabado sa Bonifacio High Street sa Taguig. “Pero ano naman ang quality ng hosting mo?”

Kaya naman umaapela si Cayetano sa ating mga mambabatas na baka puwedeng dagdagan pa ang badyet.

“We’d like to appeal to Congress. We’ve been monitoring the news and according to the House and the Senate, they’re ready to talk,” aniya. “As soon as they can pass the budget, it’s better for us. And if you can restore some of our budget, it’s also better for the whole country.”

Pero anupaman ang mangyari, nangako si Cayetano na matutuloy pa rin ang pagho-host ng Pilipinas sa 2019 SEA Games.

Maaari pa naman niyang haranahin at suyuin ang pribadong sektor para makahingi ng karagdagang pondo na kanila namang ginagawa na at pinagkukuhanan ng pondo para sa operating expenses ng PHISGOC habang hindi pa nare-release ang perang nakalaaan sa grupo mula sa gobyerno.

Bukod sa badyet, isa sa pinagkakamot ng ulo ni Cayetano ay ang mga intriga at “fake news” na ibinabato laban sa kanila.

Aminado ni Cayetano na mayroon naman talagang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga sports leaders lalo pa’t may sari-sarili itong mga prinsipyo at pamamalakad sa buhay.

Ang hiling lang ng dating Kalihim ng Foreign Affairs ay direkta silang kausapin ng mga taong may reklamo o hinaing sa grupo. Naaayos naman daw aniya ang anumang gusot sa pamamagitan ng pag-uusap.

“If you want to be in the discussion, come here. But if you want to be in the discussion, ang pakiusap lang natin, let’s discuss it in the (PHISGOC) Board first,” sabi ni Cayetano.

At huwag naman daw sanang magpakalat ng fake news tulad ng balitang lumutang na dahil nga nabawasan ng 33% ang proposed budget ng PHISGOC ay umayaw na itong maging host ng 2019 SEA Games.

Ipinangako rin ni Cayetano na matatapos ang mga ginagawang pasilidad sa New Clark City sa darating na Setyembre. Ito ang magiging “main hub” ng 2019 SEA Games. Hiwalay naman aniya ang badyet para rito. Doon gagawin ang karamihan sa mga laro kabilang ang swimming at athletics.
Mayroon ding itinatayong athletes village doon na kayang itira ang 2,700 atleta.

“It’s not like a typical dorm,” aniya. “Actually, it feels like you are in a hotel room and we are very proud of it.”

Ang isa pang nakakapagkumplikado sa sitwasyon ay hindi government agency ang PHISGOC, at maging ang POC, pero humihingi sila ng pondo mula sa PSC na siyang ahensiya ng gobyerno para sa sports.

Hindi nga ba’t nasa Sandiganbayan pa hanggang ngayon ang mga kaso laban sa mga opisyales na nag-organisa ng SEA Games hosting ng bansa noong 2005.

Siyempre, ayaw matulad dito sina Cayetano at kanyang mga kasama kaya hangga’t maaari ay naaayon sa batas ang kanilang bawat kilos pati na ang pagbibili ng mga kagamitan para sa atleta.

May pondo naman talaga para rito ang PSC. ‘Yun nga lang ay may proseso itong pagdadaanan bago makuha ng mga atleta ang mga nararapat sa kanila.

Isa pa, magkakaroon ng eleksyon sa Mayo at ilan sa mga bumubuo ng PHISGOC ay umaasam ng puwesto sa halalan.

Ibig sabihin nito ay, una, mas abala sila sa pangangampanya sa mga darating na araw at matetengga ang paghahanda para sa SEA Games. At, pangalawa, para makaiwas na mapagbintangan na ginagamit nila ang puwesto nila para mangampanya ay sila na mismo ang didistansya sa grupo at pansamantala munang mag-“no comment” sa mga isyu.

Ang isa pang hiling ni Cayetano ay kung anuman ang mangyari sa mga darating na araw ay sana huwag maapektuhan ang paghahanda at “morale” ng mga Pilipinong atleta.

Sila naman talaga ang mga bida sa SEA Games at hindi ang mga sports leaders natin na karamihan ay pulitiko at namumulitika.

Sa ngayon ay may nakatakdang 523 events mula sa 56 sports na pinakamarami sa kasaysayan ng SEA Games. Maaari pa itong madagdagan o mabawasan sa mga darating na araw.

Hindi naman kilala si Cayetano bilang isang sportsman o isang sports patron man lang pero bakit ba niya ipinipilit na gawin dito sa Pinas ang SEA Games.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Ang dami pong nakaka-disunite sa Pilipino: Pulitika, governance, religion, business, di ba? Pero one thing that brings us together is sports, especially when we’re backing up the Filipino athletes,” aniya.

Sa puntong ‘yan, ‘like’ at ‘heart’ ako.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending