ARESTADO ang apat katao, kabilang ang tatlong Chinese, nang makuhaan ng aabot sa P1.1 bilyon halaga ng hinihinalang shabu sa magkasunod na buy-bust operation sa isang mall at kalapit na high-end village sa Muntinlupa City, Martes.
Kabilang sa mga nadakip sina Go Kei-Kei, 40; Emmanuel Pascual, 79; at Chua Kian Kok, 43, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Nadakip sila ng mga tauhan ng PDEA sa buy-bust na isinagawa alas-5 ng hapon, sa parking lot ng Festival Mall na nasa panulukan ng Madrigal ave at Alabang-Zapote road.
Kasunod nito, dakong alas-6:30 ng gabi, naaresto naman si Wu Yi o “Li Zhaoyang,” 19, nang makuhaan ng 82 pakete ng hinihinalang shabu sa buy-bust sa Apitong st., Ayala Alabang Village.
Umabot sa 166 kilo ng hinihinalang shabu, na pawang mga nakasilid sa lata ng biskwit, ang kabuuang nasamsam sa apat na suspek, sabi ni PDEA chief Aaron Aquino.
Ayon kay Aquino, patuloy na nakikipag-ugnayan ang PDEA sa pamunuan ng mga high-end village dahil hindi ito ang unang beses na nakasamsam ng malaking kantidad ng shabu sa mga ganoong lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.