Paolo na-miss si John Lloyd, may pa-throwback sa Tabing Ilog
PINUSUAN ng mga netizens ang isang Instagram photo ni Paolo Contis kung saan kasama niya ang kaibigang si John Lloyd Cruz.
Ipinost ng Kapuso actor ang nasabing litrato ilang araw makalipas ang kanyang birthday last March 14 na may konek sa pagsasama nila noon ni John Lloyd sa youth oriented show ng ABS-CBN na Tabing Ilog.
Inalala rin ng boyfriend ni LJ Reyes ang 20th anniversary ng Tabing Ilog na nagsimula noong 1999 kung saan siya nakilala bilang si Badong na isa sa mga katropa ng karakter ni Lloydie bilang si Rovic.
Ang throwback photo nila ni John Lloyd na ipinost niya sa IG ay kuha sa taping ng Tabing Ilog ilang taon na ang nakararaan.
“Nung March 14, nag celebrate ako ng birthday ko… pero 20 years ago, 1999, kasabay ng aking kaarawan pinalabas ang unang episode ng #TabingIlog.
“Eto ang litratong nagpapatunay na si Rovic at si Badong ang nagkatuluyan sa ending! Hindi lang pinalabas! #Batang90s,” ang caption ni Paolo.
Bukod sa dalawang aktor, nakasama rin sa Tabing Ilog sina Kaye Abad as Eds, Desiree del Valle bilang Corrine, Jodi Sta. Maria as George, Patrick bilang si James at Baron Geisler as Fonzy.
Nagsimulang umere ang Tabing Ilog noong 1999 at tumagal hanggang 2003. Maraming fans ng programa ang nagre-request sa ABS-CBN na gawan ito ng remake o isalin sa pelikula kung saan ang original cast pa rin ang bibida.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.