'Hayop! Grabe itong si Jericho Rosales, siya na talaga!' | Bandera

‘Hayop! Grabe itong si Jericho Rosales, siya na talaga!’

Cristy Fermin - March 14, 2019 - 12:15 AM

JERICHO ROSALES

HINDI  kami mapapakali kapag hindi namin sinulat ang mga papuring ito kay Jericho Rosales. Gabi-gabi niyang pinahahanga ang kanyang mga tagapanood sa seryeng Halik, pero kakaiba ang kanyang pagganap nu’ng Martes nang gabi, nag-iisa lang talaga si Jericho Rosales.

Ang pagganap ng magaling na aktor ay hindi pasigaw, pigil na pigil ang kanyang emosyon, pero bumubulwak ang epekto nu’n sa manonood.

Ang eksena ay itinakas nina Sam Milby at Yam Concepcion ang kanilang anak ng aktres, hinabol niya ang dalawa habang tumatakbo na ang sasakyan, kitang-kita ang nagngangalit niyang emosyon dahil sa paglalabasan ng mga ugat niya sa leeg habang pinahihinto ang sasakyang magtatakas sa kanyang anak.

Tumawag sa amin si prop, “Nanonood ka ba? Ano’ng masasabi mo sa eksenang ‘yan? Grabe! Siya na talaga! Hayup ang eksenang ito, pangmalakasan ito, walang ibang makagagawa ng ganito, si Echo lang!

“Pinanday na talaga ng panahon si Jericho, sobra-sobra na ang natutuhan niya, sa totoo lang! Tingnan mo, tingnan mo!” reaksiyon ni prop habang ipinakikita sa serye si Jericho na hinahabol ang sasakyang kinaroroonan nina Sam at Yam.

Ang lutang na pagganap ni Jericho Rosales ang dahilan kung bakit kahit may kagabihan na ang Halik ay inaabangan pa rin ng ating mga kababayan.

Ang tumutulay na emosyon ni Jericho sa pamamagitan ng kanyang mga mata lang ang dahilan kung bakit hindi mo tutulugan ang serye.

Tabi-tabi sa maraming aktor diyan pero hawak na ni Jericho Rosales ang tropeo bilang pinakamahusay na aktor ng kanyang panahon!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending