POSIBLENG tumagal hanggang Agosto ang krisis sa suplay ng tubig sa maraming bahagi ng Metro Manila at kalapit na mga lugar, ang abiso ng water concessionaire na Manila Water kay Mandaluyong City Mayor Carmelita Abalos.
Sa isang panayam sa INQUIRER.net, sinabi ni Jimmy Isidro, ng Mandaluyong Public Information Office na ipinaalam sa lokal na pamahalaan na magiging normal lamang ang sitwasyon sa tubig sa Agosto.
Nakipagpulong si Mayor Abalos, kasama ang iba pang opisyal ng lungsod sa mga opisyal ng Manila Water sa harap naman ng nararanasang kawalan ng suplay ng tubig sa lugar.
“Sabi nila magno-normalize daw yan by August pagka umulan na. Kasi ang main source lang sa eastern is La Mesa [Dam] and La Mesa is very critical right now,” sabi ni Isidro.
“Kaya kami nagpi-pray kami ng ulan, sana umulan. Sana nga bumagyo para mapuno eh,” dagdag ni Isidro.
Apektado sa kawalan ng tubig ang maraming bahagi ng Metro Manila at Rizal simula pa sa Marso 7.
Sinabi ni Isidro na 12 sa 27 barangay ng Mandaluyong ang nakakaranas ng mahina hanggang walang suplay ng tubig.
Bukod sa Mandaluyong City, sinusuplayan din ng Manila Water Makati, Pasig, San Juan, Taguig, Marikina, maraming bahagi ng Quezon City, San Andres at Santa Ana, Maynila, gayundin ang Angono, Antipolo, Baras, Binangonan, Cainta, Cardona, Jalajala, Morong, Pililia, Rodriguez, San Mateo, Tanay, Taytay at Teresa in Rizal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.