Pinoy fighters makikilatis sa Ultimate Muaythai Challenge
MAKIKILATIS ang husay ng mga Pinoy muaythai practitioner sa isasagawang “Ultimate Muaythai Challenge” sa Marso 27 sa Metro Tent ng Metrowalk sa Pasig City.
Sinabi ni Donny Elvina, general manager ng Sapaksi, Inc., na napili ng World Boxing Council (WBC) Muaythai para i-promote ang nasabing sport, na mas lalong mabibigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy muaythai practitioner na mapalawak ang kanilang kakayahan at maipakita sa international community ang husay ng Pinoy.
“Tayong mga Pinoy e normal na striker. Walang duda na mahuhusay tayo sa boxing. With technique sa pagsipa, madali rin natin madodomina ang sport. Ang UMC ang pintuan para sa ating mga kababayan na nagnanis maging world champion sa sports,” sabi ni Elvina na isa sa mga bisita sa ginanap na ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club (NPC) sa Intramuros, Maynila Huwebes ng umaga.
Kasama niyang dumalo sa lingguhang sports forum na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at NPC si matchmaker Jek Ferrer at mga premyadong muaythai artist na sina super flyweight Fernando Venus at welterweight Socratis Pasaol.
“Aksyong umaatikabo ang tiyak na masasaksihan sa pagtatapat ng pinakamahuhusay na muaythai fighters sa bansa. With the GAB supervision, we assure the paying public sa patas na laban,” dagdag ni Ferrer.
Sa pangangasiwa ng Games and Amusements Board (GAB) at WBC Muaythai, nakalatag ang 12 laban tampok ang salpukan sa main event nina Fritz Aldrin Biagtan ng Biagtan Muay Thai at Brent Velasco ng Tribal Torogi para sa featherweight (125 lbs) championship.
May 1,000 fighters, officials at entertainment personalities ang inaasahang tutungo sa Metrotent para saksihan ang kauna-unahang professional muay thai fight card sa bansa.
“After a series of meeting, GAB approved and supports the group’s program and activities which was commissioned under the World Boxing Council which aims to find the best fighters in the country who can compete for national and international titles,” sabi ni GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.
Maliban sa WBC Muaythai National Championship belt, isasagawa rin ang Inter-City 18, below muaythai competition, junior muaythai championship, exhibit at muay boran/taksa demonstration sa event inorganisa ng DTC Events & Promos, Inc.
Ang mga fight cards ay: Fernando Venus vs Jervie Kosca Tiongco (superfly, 115 lbs), Jeremy Bastian vs Pio Rafae Fajardo (middleweight, 155 lbs), Jason Randa vs Kervin Lampacan (featherweight, 125 lbs), Brian Salando vs Albert Matayom (super featherweight, 130 lbs), Rogelio Enuberables vs Nathaniel Caldera (welterweight, 145 lbs), Karol Maguinde vs Moises Lois Ilogon (bantamweight, 118 lbs), Christopher Baluyos vs Adelle Vincent Rosales (15 under miniflyweight, 90 lbs) Kateleen Batela Badinas vs Ahsley Jazmine Gavina (15-under miniflyweight, 90 lbs), Mario Sismundo vs Jerry Olsim, Krisna Limbaga vs Jonabelle Angyab at Ahmadine Talapas vs Jose Carlo Laurel (exhibition match).
“May age-group fight din tayo. Itong mga bata na ito, after 10 years of training, siguradong may panlaban na tayo sa Olympics 2032,” sabi pa ni Elvina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.