Rocco Nacino pasok na nga ba sa Pinoy version ng Descendants of the Sun?
PASOK na nga ba si Rocco Nacino sa Pinoy version ng hit Korean series na Descendants of the Sun?
Usap-usapan sa social media lalo na ng mga K-drama fanatics kung isa na nga si Rocco sa magbibida sa remake ng DOTS matapos kumalat ang litrato na naka-uniform ng pangsundalo.
Makikita sa Instagram photo ng Kapuso actor ang tila facade ng PNP SAF Camp Bagong Diwa sa Taguig City. Nilagyan niya ito ng caption ma, “Tagaligtas.”
Ilang netizens ang nagtanong kung kung siya na ang napili ng GMA 7 para gumanap bilang Sargeant Major Seo Dae-young o Diego sa Philippine version ng Descendants of the Sun. Komento ng kanyang fans bagay na bagay ang nasabing role sa kanya.
Sa Korean version ng DOTS, ang karakter ni Seo Dae-young ay ginampanan ni Jin Goo. Noong ipinalabas sa GMA ang Tagalized version nito noong 2016, maraming Kapuso viewers ang nagsabing kamukha ni Rocco si Jin Goo.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naisip agad ng mga netizens na baka naghahanda na si Rocco para sa pagsisimula ng DOTS.
Kung matatandaan, bago matapos ang 2017 unang ibinandera ng GMA 7 ang balita na nakuha nila ang rights para sa Pinoy remake ng serye na pinagbidahan ng Korean superstars ang power couple na sina Song Joong Ki at Song Hye Kyo.
Napabalita ring si Alden Richards ang napipisil ng GMA para bumida sa DOTS pero nilinaw ng mga Kapuso executives na wala pang final casting para sa nasabing proyekto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.