Suarez pinatumba si Cabarles sa 2nd round para mauwi ang Minproba lightweight title
PINATUNAYAN ni Charly Suarez na kaya niyang maging kampeon matapos patumbahin sa ikalawang round si Justin Cabarles para mapanalunan ang Mindanao Professional Boxing Association (MinProba) lightweight title Martes ng gabi sa laban na ginanap sa Dujali Gym sa Braulio E. Dujali, Davao del Norte.
Agad bumitaw ang 30-anyos na si Suarez ng mga jab sa unang round bago pinabagsak sa pamamagitan ng matitinding suntok sa katawan at ulo si Cabarles sa 1:42 marka ng ikalawang round.
Nagpilit bumangon ni Cabarles subalit hindi rin siya nakatayo matapos patumbahin ni Suarez sa canvas.
Ito ang ikalawang panalo para kay Suarez at una niya sa isang 8-rounder habang ito ay ang unang talo ng 19-anyos na si Cabarles matapos ang apat na sunod na panalo.
Kailangan pa ni Suarez ng isang pang 8-rounder bago lumaban sa isang 10-rounder at sa posibleng championship title.
“Maraming salamat una sa lahat sa Panginoon Diyos,” sabi ni Suarez. “Sa protection ko sa laban kanina at saka kay Engr. Jilson Basang.”
Samantala, tinalo ni Nurshadhida Roselie ng Singapore si Kim Actub ng Iligan sa pamamagitan ng unanimous decision para makamit ang MinProba women’s super bantamweight title.
Nagpakawala ng mas maraming suntok si Roselie, na kilala sa tawag na “The Sniper”, kumpara kay Actub. Umangat ang record ni Roselie sa 12 panalo at dalawang talo habang si Actub ay bumagsak sa 7-10-1 kartada.
Nagwagi rin sina Marvilo Aballe at Jhun Rick Carcedo sa kani-kanilang MinProba title fight.
Nanalo si Aballe sa pamamagitan ng unanimous decision kay Celso “Rocky” Sardido sa kanilang featherweight title fight habang umiskor si Cardedo ng 4th round technical knockout laban kay Romulo Ramayan sa kanilang welterweight title bout.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.