ARESTADO ang babaeng dealer umano ng “party drugs” nang makuhaan ng di bababa sa P14 milyon halaga ng sari-saring droga, sa isang condominium sa Quezon City, Lunes.
Nakilala ang suspek bilang si Evette Tividad, miyembro ng isang drug trafficking gang na nago-operate sa buong Metro Manila, sabi ni Maj. Gen. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office.
Naaresto si Tividad sa buy-bust operation na isinagawa ng NCRPO Drug Enforcement Unit at Quezon City Police sa isang unit ng Studio A Condominium, na nasa panulukan ng Xavierville ave. at Esteban Abada st., Brgy Loyola Heights, dakong alas-8:30.
Dinampot ang suspek nang makabili sa kanya ang undercover agent ng 100 tableta ng Ecstacy, sa halagang P100,000, ani Eleazar.
Umabot sa 3,500 tableta ng Ecstacy na may kabuuang halaga na P5.25 milyon, 2.5 kilo ng “kush” o high-grade marijuana na nagkakahalagang P3.75 milyon, at 25 litro ng liquid Ecstacy na nagkakahalagang P5 milyon, ang nasamsam kay Tividad.
Nakumpiska din sa kanya ang P1,000 papel at 99,000 piraso ng pekeng pera na ginamit ng undercover agent.
Hinahandaan na si Tividad ng kaukulang kaso, ani Eleazar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.