NAPAKAMOT sa ulo ang isang minimum wage earner. Nalaman na kasi niya kung ano ang ibig sabihin ng Rice Tarrification.
Ang ibig daw palang sabihin ng rice tarrification ay hindi na magbebenta ng murang bigas ang National Food Authority.
Sa ilalim ng rice tarrification ay hindi na mag-aangkat ng bigas na pambenta ang NFA. Ang bigas na kanilang iimbak ay para na lamang sa mga kalamidad.
Ang mga pribadong grupo na ang mag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa.
Ang teorya kasi, bababa ang presyo ng bigas kung marami na ang mag-aangkat. Mas maraming bigas sa bansa, bababa ang presyo. Law of supply and demand.
Ang tanong ay kung mag-aangkat nga ba ng maraming bigas ang mga negosyanteng ito?
Alam nila na bababa ang presyo kapag maraming bigas kaya bakit nila ito gagawin? May mga negosyante nga na inaakusahan na nagtatago ng suplay ng bigas para manatili o mapataas ang presyo.
Hindi naman nararamdaman ng mga negosyanteng ito kapag kumakalam ang sikmura ng maliliit ang kita.
Ginawa na umano ito sa deregulasyon ng produktong petrolyo.
Hinayaan ang mga kompanya ng langis na mang-angat ng produktong petrolyo pero hindi naman bumaba ang presyo ng produktong petrolyo.
Paano raw kung ganito rin ang mangyari sa bigas?
Bukod sa mga mamimili, problemado rin ang mga lokal na magsasaka sa rice tarrification.
Kung mas mura para sa mga negosyante ang mag-angkat ng bigas kaysa bilhin ang lokal na bigas, paano na raw sila?
Kung hindi mabibili ang kanilang bigas ay bakit pa sila magtatanim. Oo nga naman.
Kung ngayon ay pinipilit ng mga magsasaka na mapag-aral ang kanilang mga anak para hindi maging magsasaka ang mga ito ay mas lalo ng away ng mga magsasaka na may anak na sumunod sa kanilang yapak kung wala na itong kikitain.
Kung wala ng magsasaka ay wala ng produksyon ng lokal na bigas.
Ang nakikitang problema rito ng ilan ay paano kung magkaroon ng problema ang ibang bansa at hindi na tayo bentahan ng bigas, ano ang kakainin natin?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.