MULING pinatunayan ni Micaela Jasmine Mojdeh ang kanyang kahusayan matapos magwagi ng walong gintong medalya at magtala ng pitong meet record sa Beijing All-Star Swimming Championship na ginanap sa Water Cube sa Beijing, China nitong weekend.
Nagwagi si Mojdeh, ang top swimmer ng Philippine Swimming League (PSL), sa girls 11-12 division, sa 200-meter butterfly (2:17.89), 200-meter individual medley (2:25.68), 200-meter breaststroke (2:43.51), 100-meter butterfly (1:04.67), 100-meter individual medley (1:09.85), 50-meter butterfly (29.41) at 50-meter breaststroke (36:13) para magtala ng bagong meet record.
Ang ikawalong ginto ni Mojdeh ay nagmula naman sa girls 11-12 division 100-meter breaststroke (1.17.77).
“After a year, I never even thought of her competing in Beijing and sweeping eight gold medals and breaking seven records carving her name in the walls of ISB,” sabi ni Joan Mojdeh, ina ni Micaela Jasmine.
Ang isa pang pambato ng Pilipinas na si Julia Basa ay gumawa rin ng marka sa nasabing swimfest.
Nagtala si Basa ng panibagong marka at nagwagi ng ginto sa 200-meter backstroke (2:45.10). Nanalo rin siya ng ginto sa mixed 400-meter freestyle (5:14.31) maliban pa sa pag-uwi ng pilak sa 200-meter freestyle (2:28.28), 100-meter backstroke (1:29.31) at 50-meter backstroke (36:28).
Sila rin ang kauna-unahang mga Pinoy na nagtala ng mga panibagong record sa nasabing meet.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.