Record-breaking swimmer pinarangalan bilang Athlete of the Month

March 04,2019
share this

Record-breaking swimmer pinarangalan bilang Athlete of the Month

March 04,2019
share this

Micaela Jasmine Mojdeh (kaliwa) at Marc Bryan Dula

NAPILI ang batang swimming sensation ng Pilipinas na si Micaela Jasmine Mojdeh bilang “TOPS Athlete of the Month” para sa buwan ng Pebrero ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS).

Si Mojdeh, ang top swimmer ng Philippine Swimming League (PSL) sa girls 11-12 division, ay nagdala muli ng karangalan para sa bansa matapos makasungkit ng walong gintong medalya at magtala ng pitong meet record sa Beijing All-Star Swimming Championships na ginanap sa Water Cube sa Beijing, China noong Pebrero 23-24.

Ang 12-anyos na estudyante ng Immaculate Heart of Mary College ay nagwagi sa 200-meter butterfly (2:17.89), 200m individual medley (2:25.68), 200m breaststroke (2:43.51), 100m butterfly (1:04.67), 100m individual medley (1:09.85), 50m butterfly (29.41) and 50m breaststroke (36:13) na kung saan lahat ay meet records.

Ang ikawalong ginto ni Mojdeh ay nagmula sa girls’ 11-12 division 100m breaststroke (1.17.77).

“Ang tagumpay na ito ni Jasmine sa kanyang murang edad ay hindi matatawaran. Sa Beijing, muli niyang itinayo ang ating bandila,” pahayag ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight.

Si Mojdeh ang ikalawang atleta na nakatanggap ng buwanang rekognisyon mula sa TOPS.

Nauna nang nahirang si world boxing champion Manny Pacquiao bilang “Athlete of the Month” sa Enero.

Ang iba pang mga nakunsidera sa parangal ay ang mga boxers na sina Carl Jammes “Wonder Boy” Martin, Dave Peñalosa at Vic Saludar at archer Naina Dominique Tagle ng Dumaguete.

Napanatili ni Martin ang kanyang WBA Asia bantamweight championship matapos talunin si Petchchorhae Kokietgym ng Thailand sa kanilang engkuwentro sa SM City North EDSA Skydome noong Pebrero 16.

Sa kasabay na gabi, wagi si Peñalosa sa pamamagitan ng technical knockout laban kay Marcos Cardenas ng Mexico para makuha ang WBO Oriental featherweight title.

Samantala, tinalo ni Saludar ang Japanese southpaw na si Masataka Taniguchi sa pamamagitan ng unanimous decision sa kanilang WBO minimumweight title fight sa Tokyo, Japan noong Pebrero 20.

Si Tagle ay nakapag-uwi ng pitong gintong medalya sa archery sa nakalipas na Batang Pinoy Visayas leg sa Iloilo City.

Sina Mojdeh at Martin ay nauna ng naging panauhin sa TOPS “Usapang Sports” sa National Press Club.

Ang TOPS ay bunubuo ng mga sports editors, reporters at photographers ng mga pangunahing tabloids.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending