Iranian na namaso ng pulis dinala sa mental health center
DINALA na sa National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City ang babaeng Iranian, na kamakailan lang ay naaresto para sa pagsuntok, pagsipa, at pagpaso ng sigarilyo sa isang pulis sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Sinundo ng kanyang magulang si Fereshteh Marbouyeh sa Puerto Galera noong Biyernes para dalhin sa NCMH, sabi ni Supt. Socrates Faltado, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.
Bago ito, pinagtibay ng Iran Medical Council and Organization na dumaranas si Marbouyeh ng bipolar 1 disorder, at sinabing dalawng beses pa itong naospital sa naturang bansa noong 2018 para sa karamdaman.
Matatandaan na noong Peb. 17 ay inaresto si Marbouyeh para sa pananakit kay PO2 Ferr Henrick Mangarin.
Naganap ang insidente makaraang dalhin ng mga pulis sa presinto ang babaeng banyaga, matapos nitong magwala at maghubad pa ng pang-itaas na damit sa Brgy. Tabinay, Puerto Galera.
Nagpasya si Mangarin na huwag na lang ituloy ang kaso laban kay Marbouyeh, matapos malaman mula sa isang lokal na doktor na mayroong sakit sa pag-iisip ang huli.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.