2 pulis patay sa engkuwentro vs. NPA | Bandera

2 pulis patay sa engkuwentro vs. NPA

John Roson - February 23, 2019 - 10:28 PM

DALAWANG pulis ang nasawi sa magkakasunod na engkuwentro ng mga tropa ng pamahalaan at New People’s Army sa San Jose, Occidental Mindoro, Sabado, ayon sa militar.

Ang mga sagupaa’y bahagi ng isinasagawang “focused military operations” ng 4th Infantry Battalion, Provincial Mobile Force Company ng pulisya, at Criminal Investigation and Detection Group-4B, ayon kay Col. Marceliano Teofilo, commander ng Army 203rd Brigade na namamahala sa opensiba.

Unang nakasagupa ng mga sundalo’t pulis ang aabot sa 10 rebelde sa Sitio Barungbong, Brgy. Mapaya, dakong alas-6 ng umaga.

Tumagal nang 15 minuto ang bakbakan, bago umatras ang mga rebelde. narekober sa pinangyarihan ang magazine na may mga bala, dalawang cellphone, mga SIM card, basyo ng grenade launcher, duyan, bota, at iba pang gamit ng mga rebelde.

Dakong alas-9:40, nakasagupa naman ng mga pulis na bahagi ng pagtugis ang parehong grupo ng mga rebelde sa Sitio Imbrasan.

Tumagal nang 5 minuto ang palitan ng putok, kung saan nasawi ang dalawang pulis.

Muling nakasagupa ng sundalo ang mga rebelde dakong alas-11:45, at may nagaganap pa umanong palitan ng putok alas-3 ng hapon.

Ayon kay Teofilo, ang mga engkuwentro’y bunsod ng pagtugis ng mga tropa ng pamahalaan sa mga kasapi ng NPA na unang nakasagupa ng mga sundalo noong Huwebes sa bayan ng Mansalay, Oriental Mindoro, kung saan dalawang rebelde ang napatay.

Matapos ang naturang sagupaa’y umatras ang mga rebelde patungo sa hangganan ng Occidental Mindoro, pero inabutan ng mga sundalo’t pulis, aniya.

Nagpakalat na ng mga sundalo, K9 units, at pulis para tugisin ang mga rebeldeng nakasagupa sa San Jose, sabi ni Lt. Col. Alexander Arbolado, commander ng 4th IB.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nagpaabot naman si Maj. Gen. Rhoderick Parayno, commander ng Army 2nd Infantry Division, ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing pulis at sinabing di masasayang ang kanilang sakripisyo.

Bukod sa pagtugis ay may mga isinasagawang checkpoint sa palibot ng encounter site para maharang ang mga rebelde, aniya pa. 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending