Flexible Cup table tennis aarangkada na
MAGKAKASUBUKAN ang mga top table tennis player ng bansa sa pagbubukas ng 9th Flexible Cup International Table Tennis Championship ngayong Biyernes, Pebrero 15, sa activity area ng Harrison Plaza sa Malate, Maynila.
Ang tatlong araw na torneo ay katatampukan din ng mga paddlers mula China, Indonesia, Malaysia, England, Chinese Taipei at United States.
“The competition here is tough with the presence of international players but I expect the Filipinos to hold their ground,” sabi ni Charlie Lim ng nag-organisang Table Tennis Association for National Development (TATAND) sa ginanap na ‘Usapang Sports’ na hatid ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Ang mga pambato ng bansa ay pangungunahan ng tubong-Davao City na si John Russel Misal na umabot sa round of 16 ng World Championship of Ping Pong na ginanap sa London nitong Enero 26-67.
Si Misal, na sinamahan si Lim sa weekly sports forum na suportado ng Philippine Sports Commission at National Press Club, ay biglang sumikat sa London nang talunin ang Englishman at local favorite na si Ashley Stokes sa round-of-32.
“Nung tinalo ko siya (Stokes) nagulat na lang ako dahil marami nang mga bata ang nagpa-autograph sa akin,” sabi ng 22-anyos na si Misal na naglaro sa National University at pinarangalan bilang UAAP Most Valuable Player noong 2017.
Nangako naman si Misal na maglalaro siya ng mahusay sa torneo para sa kanyang koponan at para patunayan na rin na karapatdapat siyang mapasama sa Philippine team bagamat hindi siya pinayagang sumabak sa national tryouts.
“Gusto ko talagang sumali sa tryout at maglaro sa SEA Games pero gusto nila talikuran ko ang grupo ko at maglaro sa kanila,” sabi pa ni Misal.
“Para sa akin, dapat bigyan ng karapatan na maglaro sa bansa ang lahat ng Pilipino ano man ang grupo na kinabibilangan niya.”
Ang Flexible Cup ay may 20 event para sa men’s at women’s division at ang overall team champion ay mag-uuwi ng P50,000 habang ang male at female open singles champ ay tatanggap ng P10,000 bawat isa.
Inaasahan naman ni Lim na makakahatak sila ng mahigit 400 manlalaro sa torneo na ginaganap kada dalawang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.