Davao City nangunguna sa Batang Pinoy Mindanao qualifying leg
Batang Pinoy medal standings (gold-silver-bronze=total medals): Davao City (27-21-39=87); Koronadal City (18-9-6=33); Davao Del Norte (17-15-13=45); General Santos City (16-19- 20=55); South Cotabato (16-19-16=51); Cagayan de Oro (15-12-30=57); Cotabato Province (14-12-7=33); Tacurong City (13-8-5=26); Zamboanga City (12-10-11=33); Butuan City (9-9-13=31)
DAVAO del Norte – Tuluyang inokupahan ng nagtatanggol na kampeon na Davao City ang liderato matapos ang ikalimang araw ng matinding kompetisyon habang nagtala ng impresibong panalo ang mga atleta ng Sto. Tomas sa Davao del Norte sa athletics at Koronadal City sa archery sa ginaganap na 2019 Batang Pinoy Mindanao leg.
Dinomina ng Davao City ang swimming, archery, arnis, taekwondo, karatedo at umagaw ng ginto sa dance sports upang angkinin ang 27 ginto, 21 pilak at 39 na tanso para sa kabuuang 87 medalya. Ikalawa at ikatlo ang Koronadal City (18 ginto, 9 pilak at 6 tanso para sa kabuuang 33 medalya) at Davao del Norte (17 ginto, 15 pilak at 13 tanso para sa kabuuang 45 medalya).
Limang ginto ang inambag ni Kristine Madeline Ibag sa archery habang nagtulong ang magkapatid na sina Liaa at Lora Micah Amoguis sa apat pa na ginto sa swimming upang agad na ilayo ang naghahangad sa ikalawang sunod nitong pangkalahatang titulo na Davao City sa malaking kalamangan sa gintong medalya.
Mainit naman sinimulan ni Aaron Gumban na pambato ng Sto. Tomas, Davao del Norte ang unang araw ng athletics matapos na ikutan ang lahat ng nakalaban tungo sa pagwawagi nito sa nakatayang unang ginto sa centerpiece na sport sa pagwawagi sa 5,000 meter run boys 13-15.
Agad din niyang sinungkit ang kanyang ikalawang gintong medalya kinahapunan matapos magwagi sa 2,000 meter steeplechase sa itinala nitong 7 minuto at 6.11 segundo na oras upang maging unang atleta na nakadalawang ginto sa athletics.
Si Gumban, na anak ng isang overseas Filipino worker na nasa Dubai, ay nagtala ng 17:14.00 tiyempo para muling pagharian ang paborito nitong event at kunin ang panalo sa kanyang huling taon sa nasabing kompetisyon na bahagi ng grassroots sports program ng Philippine Sports Commission.
“Masaya po, kasi last year ko na sa Batang Pinoy at naka-gold po uli,” sabi ng 14-anyos na si Gumban, na halos naabot ang national junior record sa event na itinala ni Hector Begeo na 14.44.44 segundo noong Disyembre 12, 1982 sa 9th Asian Games sa New Delhi, India.
Nagwagi ng ginto si Gumban noong 2018 Batang Pinoy na ginanap sa Oroquieta City subalit bigo na makapaglaro sa National Finals na ginanap sa Baguio matapos magtamo ng ankle injury.
Naging emosyonal at hinihiling ngayon ni Gumban na muling makita ang kanyang ina na dalawang taon na niyang hindi nasisilayan buhat nang umalis upang magtrabaho sa Dubai.
“Uwi ka na ma,” naiiyak na sabi ni Gumban. Pumangalawa kay Gumban si Lordy Salpid ng General Santos City sa 19:05.07 oras habang pumangatlo si Romie Laviste Jr. ng Hagonoy Davao del Norte sa naitalang 19:12.66 oras.
Inuwi naman ni Rona Bacus ng Cagayan de Oro City ang ginto sa triple jump sa tinalon nito na 11.01 metro.
Ang 14-anyos na grade 8 student ng Balubal National High School ng Cagayan de Oro na si Bacus ay target na walisin ang kanyang tatlong event na sasalihan sa nasabing kompetisyon, kung saan lalaban pa siya sa long jump at high jump event.
“Gagawin ko po lahat para makakuha ulit ng gold, para po masulit ‘yung training na ginawa namin,” sabi ni Bacus.
Asam naman ni John Carlo Margarito Loreno ng Koronadal na kunin ang kanyang ikapitong ginto sa archery ngayong Biyernes sa torneo na suportado ng STI College Davao del Norte at Alfalink Total Solutions.
Una nang nakuha ni Loreno ang mga ginto sa 30m, 40m, 50m, 60m, single FITA at mixed team kamakalawa, habang hahabulin niya na itala ang ikapitong gold sa Olympic Round.
“Kaya ko pong ma-sweep at pipilitin ko po na ma-sweep. Pagsusumikapan ko po na makuha ‘yung last gold for today,” sabi ng 15-anyos na archer na grade 9 student ng Koronal National Comprehensive High School.
Sa swimming, apat na ginto naman ang hinakot ni John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato sa kanyang nilangoy na limang event sa una at ikalawang araw.
Unang nakuha ni Talosig ang kanyang unang ginto sa 200m individual medley sa kanyang naitalang 2:19.74 oras na sinundan ng ikalawang ginto buhat sa 1500m freestyle sa kanyang 17:52.25 oras sa unang araw.
Sa ikalawang araw ay pinagharian ng 14-anyos na si Talosig ang 400m individual medley sa 5:00.58 oras at 200m freestyle kung saan naitala niya ang 2:05.43 oras upang kunin ang ginto.
“Hindi ko po ini-expect na makakaapat ako na gold. Pero masayang masaya po ako. Pipilitin ko po na dagdagan pa ‘yung ginto ko,” ayon pa sa grade 8 student ng Southern Christian College sa North Cotabato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.